Bilang paghahanda sa itatayong Farm-to-Market Road sa Brgy. Sta. Rita, Masinloc, Zambales, ang Provincial Monitoring Team (PMT) ng DILG Zambales ay tumungo sa nasabing barangay upang inspeksiyunin ang lugar na pagtatayuan ng proyekto, nitong ika-29 ng Mayo taong kasalukuyan. Layunin ng nasabing aktibidad na pag-aralan ang kaangkupan ng proyekto sa pangangailangan ng Barangay, suriin ang iminungkahing lokasyon at siguraduhin na matutugunan nito ang kinakailangan at itinakdang pamantayan ng mga nauugnay na ahensya.
Ang proyektong “Concreting of Farm-to-Market Road in Barangay Sta. Rita” ay may pondo na nagkakahalagang Php 2,500,000.00 sa ilalim ng programang Support to Barangay Development Program (SBDP) 2024. Ang pangunahing layunin ng programang ito ay mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga residente ng barangay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto katulad ng Farm-to-Market Road.
Pagkatapos ng isinagawang site inspection, nagbigay naman si Engr. Jelly Mae Ebalobo ng technical assistance para sa mga dokumentong kinakailangang ipasa para masigurado ang maayos at mabisang implementasyon ng proyekto. Maliban rito, nagbigay din si Engr. Ebalobo ng refresher sa mga Locally Funded Projects Portal tulad ng Subaybayan at Rapid Subproject Sustainability Assessment (RSSA).
Kabilang sa mga dumalo sa nasabing gawain ay sina LGOO VI Shieralyn B. Esteban ng DILG Masinloc, Engr. Bryan Ednaco ng Municipal Engineering Office, Engr. Jelly Mae Ebalobo at PEO I Bryan Allejos ng DILG Zambales PMT.