Ang Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na pinamumunuan ni Gobernador Hermogenes E. Ebdane, Jr. ay nagpulong noong ika-23 ng Mayo taong 2024 sa Balin Sambali, Iba, Zambales upang saklawin at tugunan ang mga isyu tungkol sa kapayapaan at kaayusan, paghahanda sa sakuna, at maging sa mga isyung sosyo-ekonomiko na nakakaapekto sa lalawigan.
Bilang panimula, pinasalamatan ni Gobernador Ebdane ang mga iba’t ibang ahensya sa lalawigan, mga munisipyo, pati ang mga barangay sa kanilang aktibong partisipasyon sa katatapos lamang na Dinamulag Festival.
Nagsimula ang pagtalakay sa mga kaugnay na update sa kapayapaan at kaayusan sa ulat ni LTC Ali B. Sumangil INF GSC, 69th Infantry Battalion, 7th Infantry Division, Philippine Army. Tiniyak ng ahensya ang patuloy na pagbibigay kapangyarihan, pagpapanatili, at pagsubaybay sa mga dating rebelde upang maiwasan ang pagbabalik ng mga ito sa pakikipaglaban sa gobyerno.
Tinalakay ni Provincial Director Ricardo S. Pangan, Jr. ng Zambales Provincial Police Office (ZPPO) ang Comparative Crime Statistics ng unang kwarter at ikalawang kwarter maging ang sitwasyon ng krimen sa lalawigan.
Sa paglaban naman sa iligal na droga, sinigurado ni IA V Jigger V. Juniller ng Philippine Drug Information Agency (PDEA) ang kanilang maigting na pagtutok sa drug clearing program sa antas ng labintatlong (13) munisipyo. Iniulat din ni Agent Juniller ang kanilang operational accomplishment sa lalawigan at ulat sa imbentaryo sa mga kaso ng droga.
Bilang bahagi ng Oplan Ligtas na Pamayanan, nakipag-ugnayan ang BFP Zambales sa mga opisyal at tauhan ng barangay sa paglikha ng Community Fire Auxiliary Group (CFAG) na maging responsable sa pagpapanatili ng kanilang barangay sa pagsunod sa fire safety protocols at magsisilbing first responder kapag may mga emerhensiya sa kanilang barangay.
Higit pa rito, sinasanay ng BFP ang nasabing grupo ng mga basic skills para sa Responder’s Course, ito ay ayon sa ulat ni FSUPT Jose R. Colminero ng Bureau of Fire Protection (BFP) Zambales.
Ang lahat ng LGU ay nakakuha ng High Functional na resulta sa nagawang 2024 ADAC Performance Initial Audit kamakailan ayon sa ulat ni LGOO V Aljon S. Bautista ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Zambales. Ibinahagi rin ni LGOO V Bautista ang inisyal na resulta ng Peace and Order Council (POC) Functionality Audit at Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA) Assessment, 2024 Retooled Community Support Program (RCSP) Targets at mga impormasyon patungkol sa Local Government Support Fund - Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) sa taong 2025.
Nagbigay payo naman si Gob. Ebdane sa mga tagapag-ulat para sa epektibong paraan upang mas mapaayos ang kanilang pagganap sa kani-kanilang ahensya. Ipinaalala rin nito sa Zambales Provincial Police Office (ZPPO) na paghandaan ang nalalapit na Brigada Eskwela sa ikatlong kwarter ng taon.
Matagumpay rin na idinaos ang presentasyon at pag-apruba ng Resolusyon sa pagbuo ng Committee/Technical Working Group para sa Balay Silangan sa Probinsya ng Zambales. Ang Balay Silangan Reformation Program (BSRP) ay magsisilbing alternatibong interbensyon para sa mga pusher na hindi kwalipikadong matanggap sa Department of Health (DOH) operated at/o accredited Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Facility; Community-based Drug Rehabilitation Program (CBDRP); at General Intervention (GI) dahil sa diyagnosis na ang tao ay hindi umaabuso sa mga mapanganib na gamot gaya ng ipinasya ng isang doktor na kinikilala ng DOH, at upang matugunan ang isyu ng decongestion ng kulungan.
Ang pagpupulong ay nagsilbing venue upang masuri ang performance ng mga council sa nakaraang quarter at bumalangkas ng mga estratehiya para matugunan ang mga natukoy na kakulangan.
Panulat ni: LGOO II Carla G. Maranoc