Matagumpay na ginanap ang 2025 Liga ng mga Barangay (LnB) Convention noong Pebrero 17-19, 2025 sa Baguio Convention Center, Baguio City. Ang tatlong araw na kaganapan ay mayroong temang “Leadership, Nurturing, Betterment (LNB) Strengthening Barangay Governance: A Roadmap to the Seal of Good Local Governance for the Barangays,” na naglayong magbigay ng mas malalim na pang-unawa at kasanayan sa mga lider ng barangay upang mapalakas ang kanilang pamamahala at matulungan silang makamit ang Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB), isang parangal na nagpapakita ng kahusayan sa pamamahala sa mga lokal na pamahalaan.
Bilang pang bungad na pananalita, si Kgg. Nestor Pacheco, Pangulo ng Liga ng mga Barangay ay nag-pahayag ng pasasalamat sa pakikiisa ng mga opisyal ng barangay para maisagawa ang isang makabuluhang aktibidad. Nagbigay din siya ng suporta at hinikayat ang mga delegado sa pagkakaroon ng epektibong pamamahala at magsikap para sa patuloy na pag-unlad at pagpapabuti ng lahat ng barangay sa Zambales.
Samantala, ang Punong Lalawigan, Gob. Hermogenes Ebdane Jr. ay nag bahagi ng mga kasalukuyang proyekto at programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, kabilang na ang mga hakbang na isinasagawa ng lalawigan upang matulungan ang bawat barangay sa kanilang pamamahala upang paigtingin ang Barangay Good Governance.
Nag bigay naman ng “Overview of the Activity” ang Panlalawigang Patnugot ng DILG Zambales, Dir. Martin Porres B. Moral, CESO V, kung saan binigyan niya ng diin ang mga programa ng departamento na naglalayong matulungan ang barangay na mapabuti ang kanilang pamamahala. Kabilang na rito ang Barangay Awards System for Local Legislation, isang hakbang upang kilalanin ang barangay na may natatanging kontribusyon sa paggawa ng mga local na batas.
Nagsimula ang mga sesyon na tumalakay sa mga pangunahing aspeto ng Barangay Good Governance. Kabilang sa mga tinalakay na paksa ang Barangay-Based CSO Accreditation, Barangay-Based Institutions (BBIs) at ang pamantayan at alituntunin ng Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) na pinangunahan ni LGOO II Engr. Alled Aron C. Dela Cruz, ang Capability and Development Section Chief ng DILG Zambales. Naging makabuluhan din ang sesyon ukol sa Seal of Goof Local Governance for Barangay, tinalakay dito ang mga mahahalagang detalye ng SGLGB at ang importansiya nito sa mga barangay, sa pangunguna ni LGOO V Engr. Aljon S. Bautista, Monitoring and Evaluation Section Chief.
Tinalakay rin ang iba pang mahahalagang paksa, kabilang ang LEADGOV4HEALTH policy framework, na ipinresenta ni Dr. Noel C. Bueno mula sa Provincial Health Office. Inisa-isa rin ang mga programa at polisiya hinggil sa Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) na naglalayong tugunan ang mga isyu ng droga sa mga komunidad. Tinalakay din ang Barangay Local Legislation na nakatuon sa mga batas at ordinansa upang masulosyunan ang mga isyu at maiangat ang antas ng lokal na pamamahala, pati na ang Solid Waste Management ayon sa Republic Act 9003, na itinampok nina LGOO II Carla G. Maranoc at LGOO II Engr. Jelly Mae T. Ebalobo.
Higit pa rito, binigyan pansin ang mga karaniwang hamon sa Katarungang Pambarangay, pati na rin ang mga aspeto ng Barangay Governance na madalas nagiging sanhi ng mga isyu at alitan. Sa sesyong ito, tinalakay ni LGOO VII Melissa D. Nipal, Cluster Team Leader, ang mga tamang hakbang upang maiwasan ang mga pagkakamali sa proseso ng Katarungang Pambarangay at masiguro ang epektibong paghahatid ng mga serbisyo sa komunidad.
Tinalakay din ang mga programa ng Local Government Support Fund (LGSF) at ang Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) Portal, na naglalayong mapadali ang mga proseso sa pagsuporta sa mga proyekto ng mga barangay, sa pangunguna ni Engr. II Dorothy Joy U. Causing.
Sa kabuuan, ang 2025 Liga ng mga Barangay Convention ay naging isang matagumpay na pagtitipon na nagbigay ng mahalagang pagkakataon para sa mga lider ng barangay na mapalakas ang kanilang kapasidad sa pamamahala, matutunan ang mga pinakabagong inisyatiba sa lokal na gobyerno, at magtulungan patungo sa pag-abot ng mga layunin para sa mas maganda at maayos na pamumuhay sa mga komunidad.
Panulat ni: LGOO II Jelly Mae T. Ebalobo
#ZamBest
#HongloyZambales
#TrestheBest
#MatinoMahusayMaaasahan