Pinangunahan ni ARD Jay E. Timbreza, CESO V, ikalawang panrehiyong patnugot ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Rehiyon III, ang pagpapasinaya ng tatlong (3) proyekto sa ilalim ng programang Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) taong 2022 at 2023, sa mga bayan ng Botolan, San Antonio at San Marcelino, nitong ika-23 ng Abril, taong kasalukuyan. Kabilang sa mga dumalo sa nasabing inagurasyon ay sina Martin Porres B. Moral, CESO V, Panlalawigang Patnugot, DILG Zambales, Punong Bayan Jun Omar Ebdane (Botolan), Punong Bayan Edzel L. Lonzanida (San Antonio), Punong Bayan Elmer R. Soria (San Marcelino), LGOO VI Nedricks P. Canlas, LGOO VI Threeks F. Fontamillas at LGOO VI Sheryl Ann Q. Dungca.
Ayon kay ARD Timbreza, ang SGLG Award ay simbolismo ng maayos at magandang pamamalakad ng lokal na pamahaalan sa lahat ng aspeto ng Good Governance. Hinikayat niya rin ang mga namamahala na sundin ang “Plan, Do, Check, Act” para patuloy na maitaas ang kalidad ng serbisyo na maaari nitong ibigay sa mga nasasakupan.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Dir. Moral ang kanyang pasasalamat sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagsisikap at pagpupursige upang makamit ang mataas na antas ng serbisyo publiko. Kinilala rin ni Dir. Moral ang kagalingan at kahusayan ng mga pinuno ng bawat departamento na siyang nasa likod ng pagkamit ng nasabing parangal. “Ang utility value ng naisip na proyekto ay napakaganda dahil maitataas nito ang mobility ng serbisyo sa paghahatid ng relief at iba pa”, dagdag nito.
Matatandaan na ang tatlong nasabing bayan ay ang ilan sa mga nakatanggap ng Seal of Good Local Governance Award sa probinsya ng Zambales bilang pagkilala sa katapatan at kahusayan ng pamahalaang lokal. Ang parangal na ito ay magsisilbing pananda at inspirasyon ng mga lokal na pamahalaan sa patuloy na pagpapalakas ng katapatan at pagpapalawak ng kahusayan sa serbisyong publiko.
Panulat ni: PEO I Bryan B. Allejos, LPT