MUST WATCH

              ZAMBALESAVP  

                 AN AUDIO VIDEO PRESENTATION    

Sa pamumuno ng Gobernador ng Lalawigan ng Zambales, Kgg. Hermogenes E. Ebdane, Jr., katuwang ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, ang mga aktibong miyembro ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (Ang PTF-ELCAC), at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), kasama ang mga Punong Bayan ng lalawigan, ay nagtipon noong Agosto 15, 2023 para sa pagsasagawa ng 3rd Quarter 2023 Joint Provincial Peace and Order and Public Safety Cluster Meeting sa Balin Sambali, Iba, Zambales.

Inihayag ni Kgg. Hermogenes E. Ebdane Jr. ang kanyang lubos na pasasalamat sa pagdalo ng mga miyembro ng PPOC, PADAC, PTF-ELCAC, PDRRMC at mga Punong Bayan sa nasabing pagpupulong. Ibinahagi rin ni Gob. Ebdane ang kanyang mga mungkahi ukol sa mga estratehiya na makakatulong sa bawat ahensya at departamento na nag presenta ng kani-kanilang datos.

Ang 69th Infantry Battalion, 7th Infantry Division, Philippine Army ay patuloy ang pagbabantay sa kaligtasan ng lalawigan laban sa terorismo at patuloy rin na nagbibigay ng suporta sa panahon ng kalamidad, ayon sa ulat ni 1LT Ramon Rico Fantonalgo.

Inilahad naman ni PCOL Ricardo S Pangan, Jr. ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang ulat na ang pagtaas ng mga insidente ng krimen partikular sa Public Safety Index ay maaaring maiugnay sa pagdagsa ng turista at motorista sa lalawigan. Nakapagtala din ang Zambales PPO ng kabuuang 38 insidente ng Focus Crime. Sa kanilang pag-aanalisa, ang pagbaba ng pokus na krimen ay maaaring maiugnay sa patuloy na pinaigting na operasyon ng pulisya at pakikipag-ugnayan sa komunidad tulad ng pagsasagawa ng dialogue/barangay visitation, pagbisita sa bahay/paaralan, outreach program, pamamahagi ng mga materyales sa pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon at pag-post ng hotline number at mga tips sa pag-iwas sa krimen sa pamamagitan ng mga social media platform.

Malugod na ipinamalita ni IA V Jigger B. Juniller ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang patuloy na pagtatag ng Balay Silangan sa lalawigan. Nilalayon nitong tulungan ang mga nagkasala sa paggamit ng ipinagbabawal na droga at muling mabuo ang kanilang mga sarili para mas maging produktibo at masunurin sa batas na mga mamamayan. Ang PDEA ay may positibong pananaw na sa pamamagitan ng mga pasilidad na ito para sa kanilang rehabilitasyon, malaki ang maiaambag ng mga ito sa pag-unlad ng bansa at para mas lalong suportahan ang gobyerno sa kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Bilang bahagi ng Oplan Ligtas na Pamayanan, nakipag-ugnayan ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng Zambales sa mga opisyal ng barangay sa paglikha ng isang Community Fire Auxiliary Group (CFAG) na responsable sa pagpapanatili sa pagsunod sa fire safety protocols at nagsisilbing first responder kapag may mga emerhensiya sa kanilang barangay. Ito ay ayon sa presentasyon ni Supt Augusto M. Yalung ng BFP.

Nagbigay abiso naman si G. Rolex E. Estella ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ukol sa El Niño alert sa lalawigan. Ayon sa kanyang ulat, kabilang ang Zambales sa mga lalawigan na posibleng makaranas ng Dry Spell sa mga darating na buwan ayon sa datos ng August to December 2023 Rainfall Forecast ng PAGASA. Ang Meteorological Dry Spell ay dalawang magkasunod na buwan na mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan.

Inilahad naman ni Engr. Peter Rick Navora, bilang tagapag-ulat ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), ang Status of the Implementation of the Peace and Order and Public Safety Plan Programs, Projects, and Activities (PPAs) ng lalawigan. Kanila umanong sinisiguro ang patuloy na koordinasyon sa mga kaugnay na ahensya upang hikayatin at tiyakin ang kanilang suporta para sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad gamit ang nakalaang pondo.

Tinalakay naman ni LGOO V Jacqueline A. Calimlim ang kasalukuyang estado ng implementasyon ng Retooled Community Support Program (RCSP) at resulta ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) Functionality Audit. Ipinagpatuloy naman ni Martin Porres B. Moral, Panlalawigang Patnugot ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Zambales, ang mga datos ukol sa Locally-Funded Projects (LFPs).

Sa pagtatapos, binigyan ng mainit na pagtanggap ni Gob. Ebdane at ng koponan ng PPOC ang itinalagang bagong kumander LTC Sonny Dungca INF (GSC) ng 69th Infantry Battalion, 7th Infantry Division ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na naka-destino sa lalawigan. Ipinamalas din ang lubos na pasasalamat sa dating kumander ng 69th IB na si LTC Marcelo Valdez sa kanyang magiting na serbisyo sa Zambales.

Ang aktibong miyembro ng koponan ng PPOC at mga Punong Bayan, sa pamumuno ni Gob. Ebdane ay patuloy ang pagtutulungan upang makapagbigay ng pinakamahusay na mga estratehiya para labanan ang krimen, alisin ang mga ipinagbabawal na droga, at mapahusay ang mga plano sa paghahanda sa kalamidad para sa kaligtasan ng mamamayan at mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan ng Zambales.

Ni: PEO I Carla G. Maranoc

 

MARTIN PORRES B. MORAL, CESO V
Provincial Director

Log-in Form

Follow Us On

 

 DILG ZAMBALES FB ACCOUNT