Pinangunahan ng panlalawigang tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ng lalawigan ng Zambales kasama ang lahat ng Pinunong Tagapagpakilos ng Pamahalaang Lokal (MLGOOs) at mga provincial focal persons ang panlalawigang oryentasyon patungkol sa Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB) ngayong ika-13 ng Setyembre 2021 sa pamamagitan ng Zoom Cloud Meetings application.
Hinikayat ni Panlalawigang Patnugot Armi V. Bactad ang mga Punong Barangay, kasama ang mga Sangguniang Barangay na itaguyod ang mahusay na pamamahala sa kani-kanilang nasasakupan bilang mga frontliners at unang mukha ng pamahalaan sa kani-kanilang mga komunidad, higit pa sa pagkilala na maaaring ibigay ng SGLGB sa kanilang panunungkulan.
“Mahalaga ang gampanin ng SGLGB. Ito ay isang mekanismo para tumaas ang antas ng kakayahan ng barangay government," paliwanag ni Dir. Bactad.
Nagsilbing mga tagapagsalita sina MLGOO Jonnel B. Edillor at Nedricks P. Canlas na naglatag ng mga nilalaman ng DILG MC No. 2021-074 na nagbibigay ng gabay para sa implementasyon ng SGLGB sa taong 2021.Kanila rin ibinahagi ang mga form, sertipikasyon at mga dokumentong kakailanganinna magsisilbing patunay para sa epektibong pagtiyak ng antas ng pagganap ng bawat target na barangay sa lalawigan ng Zambales sa mga nabanggit na performance area. Bukod dito, ipinakita rin ang paggamit ng SGLG-Information system na magsisilbing plataporma kung saan ilalagak ang mahahalagang form at dokumento bilang parte ng pagtatasa.
Ang SGLGB ay isang programa ng DILG na nagbibigay pagkilala sa mga barangay at humihikayat na tuluyang mapataas pa ang antas ng kanilang pagganap sa mga tungkuling iniaaatang ng Local Government Code (LGC) at ilan pang mga batas — na siyang susuriin sa anim na performance area— Safety, Peace and Order, Financial Administration and Sustainability, Disaster Preparedness, Social Protection and Sensitivity, Business Friendliness and Competitiveness, at Environmental Management.
Isinulat ni:
LGOO VI Shieralyn B. Esteban