LIGTAS AT MAPAYAPANG PAMAYANAN NG MGA RCSP TARGET BARANGAY, PINAGTIBAY SA ISANG GAWAIN NG DILG AT BOTOLAN TASK FORCE ELCAC
- Details
- Written by DILG Zambales
- Category: NEWS AND EVENTS
- Hits: 1101
Ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ng Lalawigan ng Zambales sa pamumuno ng Direktor Armi V. Bactad, CESO V — sa pakikipag-ugnayan at pakikipag-tulungan sa Lokal na Pamahalaan ng Botolan, sa pamamagitan ng Task Force End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) nito — ay matagumpay na nagsagawa ng aktibidad nitong ika-30 ng Setyembre taong kasalukuyan na pinamagatang ‘Capacitating Barangay Based Institutions cum Strengthening Community Security Mechanisms and Structures and Information Drive for Peace, Security and Development,’ na naglalayong mapaigting ang kasanayan at kakayahan ng mga pamahalaang barangay sa paglaban at pagsugpo sa komunismo at terorismo at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga sa komunidad.
Ang nasabing gawain ay dinaluhan ng mga opisyal ng Barangay Cabatuan, Maguisguis, Poonbato, Cabatuan at Villar ng Bayan ng Botolan at Barangay Guisguis ng Bayan ng Sta. Cruz— na pawang mga kabilang sa mga benepisyaryo ng Retooled Community Support Program (RCSP) at Support to Barangay Development Program (SBDP). Ang gawain ay bahagi ng mga hakbanging nakapaloob sa Executive Order No. 70 o mas kilala bilang Whole of Nation Approach.
Sa kanyang pambungad na mensahe, taos-pusong pinasalamatan ni Mayor Doris E. Maniquiz ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa napakagandang programang pinagkaloob ng pamahalaan sa kanilang bayan. Ayon kay Mayor Maniquiz, napakapalad ng limang barangay dahil sila ay napiling benepisyaryo ng mga programang ito at kanyang hiniling na sana’y ang pondong maipagkakaloob ng gobyerno ay magamit ng tama at ang mga proyektong maipapatayo at maiimplementa ay mapangalagaan at maging kapakipakinabang sa lahat upang ang mga problema ng insurhensiya ay kung hindi man tuluyang mawala ay mabawasan.