Matagumpay na naidaos ang buwanang panlalawigang pagpupulong para sa taong 2024 nitong ika-20 ng Agosto na ginanap sa panlalawigang tanggapan ng kagawaran. Pinangunahan ni LGOO VII/CTL Melissa D. Nipal, Opisyal na Nangunguna, ang nasabing pagpupulong na dinaluhan ng mga kawani at mga Pinunong Tagapag pakilos ng Pamahalaang Lokal.
Bilang bahagi ng pagtitipon, inilahad ni LGOO V Paulin Johanne L. Reyes, pinuno ng Monitoring and Evaluation Section (MES) ang mga estado ng bawat ulat at maging ang mga darating na aktibidad. Karagdagan dito, ibinahagi rin ni LGOO V Aljon S. Bautista ang naging paunang resulta sa katatapos na panrehiyong pagtatasa ng mga dokumento sa ilalim ng programang Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB). Binigyang pansin din sa isinagawang pagtitipon ang mga ulat sa Capability Development Section (CDS) at ang kalagayan ng mga proyektong ipinatupad sa ilalim ng Locally-Funded Projects (LFP) na siyang inilatag naman nina LGOO II Alled Aron C. Dela Cruz at Engr. Princess Ivy B. Coloma.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni ADAS II King Andrew Phil A. Apsay ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 64, S. 2024 o Implementation of the First Tranche of the Updated Salary Schedule for Civilian Government Personnel. Samantala, ipinakita naman ni ADAS II Theresa Marie Q. Badar ang bagong mungkahing kasuotan para sa mga kawani batay sa ibinabang opisyal na abiso ng panrehiyong tanggapan.
Sa kaniyang panapos na pananalita, muling binalikan ni LGOO VII/CTL Nipal ang mga mahahalagang aktibidad at gawain ng departamento na dapat pagtuunan ng pansin gaya ng Seal of Good Local Governance (SGLG). Binigyang halaga niya rin ang mga performance ngbawat bayan, maging ang kanilang patuloy na commitment sa pagpapataas ng kanilang antas ng pagganap sa iba pang mga audit sa ilalim ng iba’t ibang programa. Hinikayat niya rin ang mga kawani na ipagpatuloy ang magandang antas ng pagganap na nasimulan sa pagsulong ng isang matino, mahusay, at maaasahan na Kagawaran.
Ang nasabing pagtitipon ay buwanang ginaganap na siyang nagsisilbing panayaman ng tanggapan upang mapag-usapan ang mga isinasagawang pinakamahusay na kasanayan ng bawat pamahalaang lokal sa pagpapatupad ng mga proyekto, programa at aktibidad (PPAs) ng Kagawaran.
Panulat ni: PEO I Bryan B. Allejos, LPT