Nagkapit-bisig ang mga opisyal ng Brgy. Santiago, San Antonio at Panlalawigang Tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal sa isinagawang paglilinis sa komunidad bilang pagtugon sa panawagan ng programang “Barangay Kalinisan Day” o BarKaDa na ginanap nitong ika-10 ng Agosto taong kasalukuyan. Kabilang sa mga lumahok sa gawain ay sina LGOO VII Melissa D. Nipal, Pinunong Namumuno sa DILG Zambales, G. Jovy A. Arlantico, Municipal Administrator ng San Antonio, Arkitekto Jeffrey Roxas, OIC-Punong Barangay Rigie Reutotar at kaniyang konseho, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, at mga kawani ng DILG Zambales, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Navy.
Sa kaniyang mensahe, ipinaabot ni LGOO VII Melissa D. Nipal, ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa mga lokal na opisyal at mga residente sa kanilang patuloy na pakikiisa at pagkikipagtulungan sa barangay upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng kanilang lugar. Binigyang diin niya rin ang kahalagahan ng programa bilang isang Community Level Prevention laban sa mga sakit dulot ng maruming kapaligiran. “....kaya po sana huwag tayong titigil sa patuloy na paglilinis dahil everyone here wears the responsibility ng pagpapanatili ng kalinisan ng ating kapaligiran”, dagdag niya.
Ibinahagi rin ni OIC-PB Reutotar ang kaniyang papuri sa mga residente sa patuloy na paglilinis ng kanilang bakuran bilang tanda ng kanilang partisipasyon sa programang inisyatibo ng pamahalaan. Ibinahagi niya rin ang kahalagahan ng programang ito tungo sa pagkamit ng isang malusog at ligtas na pamayanan.
Ayon kay G. Jovy A. Arlantico, Municipal Administrator ng bayan ng San Antonio, ang programang BarKaDa ay malaki ang ginampanang papel sa bawat barangay upang maiangat ang kamalayan ng bawat residente sa kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran at pagsasabuhay ng wastong pamamahala sa mga basura. Hinikayat niya rin ang mga nakilahok sa programa na panatilihin ang apoy ng bayanihan at dedikasyon sa pagbabalik ng kalinisan ng naturang barangay.
Ang nabanggit na aktibidad ay isang patunay ng hangarin ng pamahalaan na panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng bawat pamayanan upang makamit ang mithiin na magkaroon ng isang malusog, ligtas, at kaaya-ayang kapaligiran para sa lahat ng mamamayan.