Upang pagtibayin ang pakikipagtulungan sa pagtataguyod ng mas epektibong lokal na pamahalaan sa lalawigan, ang mga miyembro ng Sub-Regional Local Government Resource Center (LGRC) Zambales Multi-Stakeholders Advisory Committee (MSAC) ay nagsagawa ng planning workshop ngayong araw sa Balin Sambali, Iba, Zambales.
Tinalakay ni LGOO V Jacqueline A. Calimlim ang briefer sa LGRRC - MSAC at Accomplishments and Ways forward ng MSAC. Ibinahagi naman ni LGOO II Carla G. Maranoc ang Regional Memorandum Circular No. 2024-08 Organization of Local Committee of Good Local Governance (CGLG) in the Provincial Level thru LGRRC - Multi-Stakeholders Advisory Committee (MSAC) at ang Regional Memorandum Circular No. 2024-09 Strengthening the LGUs on SGLG Assessment through the Creation of SGLG Core Teams in the Province, City and Municipal Levels.
Sa pagtatapos, iminungkahi ng mga miyembro ng MSAC ang kani-kanilang ideya upang matulungan ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga posibleng programa at aktibidad sa hinaharap. Ibinahagi rin ng bawat isa ang mga solusyon sa mga suliranin o kakulangan na inilahad sa open forum upang makatulong sa tatlumpung (13) LGU at mapabuti ang pagbibigay serbisyo sa bawat Zambaleño.
Ang matagumpay na aktibidad na ito ay pinangasiwaan ng technical staff ng DILG Zambales at may aktibong pakikilahok ng mga pinuno ng bawat departamento ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, iba't ibang National Government Agencies (NGAs), Local Resource Institutions (LRIs) at Civil Society Organizations (CSOs).
Ang MSAC ay inorganisa upang magsilbi bilang isang dinamikong sentro ng pag-aaral, isang multi-media na programa para sa pagbabahagi ng kaalaman sa lokal na pamamahala at bilang isang pandagdag na diskarte sa pagbuo ng mga kapasidad ng LGU.
Panulat Ni: LGOO II Carla G. Maranoc