Labindalawang Municipal Anti-Drug Abuse Councils (MADACs) angmuling nagpakita ng kahusayan at pagiging epektibo sa kanilang tungkulin na labanan ang paglaganap ng paggamit at pagbebenta ng iligal na droga sa kanilang mga nasasakupang bayan para sa taong 2020.
Ito ay base sa naganap na Provincial ADAC Functionality Audit ngayong Agosto 6, 2021 na ginanap sa pamamagitan ng zoom online meeting application na kung saan nakakuha ng ideal to moderate na antas ng pagiging epektibo (level of functionality) ang karamihan sa mga bayan sa lalawigan ng Zambales.
Sumailalim ang labintatlong MADACs sa nasabing Audit ng ADAC Audit Provincial Team (APT) na pinangungunahan ni Dir. Armi V. Bactad ng Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan (DILG), kasama sina PMAJ Pancho D. Doble ng Zambales Police Provincial Office (ZPPO), IA V Jigger B. Juniller ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga kinatawan ng Civil Society Organizations (CSOs) na sina Rev. Rosalio I. Mendoza, Jr ng Empowering Leaders for Transformation, Inc. at Gng. Evelyn Ebuen ng Mike Delta Force Intelligence and Communication Group.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Dir. Bactad sa bawat miyembro ng APT sa kanilang pakikilahok at patuloy na suporta upang maging matagumpay ang probinsya ng Zambales sa paglaban sa iligal na droga.
“With this activity, we expect po na makita natin saang parte o punto pa tayo pwedeng makatulong, ano pa yung mga pwede nating (maextend na) technical assistance para ma-strengthen ‘yung functionality ng mga Anti Drug Abuse Councils sa ating component LGUs at ano pa ang mga best practices naman ng ibang LGUs na pwede nating i-refer/i-rekomend sa ibang LGUs na pwede nilang ma-replicate o ma-imitate”, saad ni Direktor Bactad.
Ibinahagi ni LGOO VI Maharlina Tejada, DILG ADAC Provincial Focal Person ang mga naging resulta ng pre-assessment ng mga bayan base sa kanilang mga naisumiteng dokumento sa ADAC-Functionality Monitoring System (ADAC-FMS). Ito ay pinatunayan at sinang-ayunan ng mga miyembro ng APT.
Batay sa naging resulta, ang mga bayan ng San Marcelino, Candelaria at Subic ay nakakuha ng mataas o ideal level of functionality. Siyam (9) na bayan naman ang nakakuha ng moderate level of functionality. Samantala, isang (1) bayan ang nakakuha ng basic level of functionality.
Ang mga ADAC ay binuo upang pangunahan ang pagpapatupad at pagsubaybay sa lahat ng programa at proyekto para palawigin ang kapayapaan at kaayusan, partikular sa programang paglaban sa paglaganap ng paggamit at pagbebenta ng iligal na droga, hanggang sa pinakamababang antas ng pamahalaang lokal.
Layunin ng ADAC Performance Audit na (1) suriin ang pagiging epektibo ng mga lokal na ADAC base na rin sa mga umiiral na kasalukuyang patakaran at batas, (2) matukoy ang mga naitaguyod na mga pagbabago ng ADAC at (3) lumikha ng plataporma para sa pagsusuri at pagbahagi ng mga pinakamahusay na kasanayan ng mga ADAC at miyembrong ahensya nito sa kani-kanilang antas.
Isinulat ni: LGOO II Paulin Johanne Reyes