Sa gitna ng malawak na bukirin ng Barangay Cataning, tila hindi gumagalaw ang oras. Sa bawat patak ng ulan, ang dating putikang daan ay nagiging balakid sa mga magsasakang nais magdala ng ani, sa mga mag-aaral na kailangang pumasok sa paaralan, at sa mga nanay na pumupunta sa bayan para mamalengke. Ngunit noong Mayo 2024, nagbago ang takbo ng kwento ng barangay na ito. Tumindig sa gitna ng dating maputik na tanawin ang konkretong kalsada ng Sitio Bani-Cataning Road—isang proyektong hindi lamang nagpabago sa pisikal na anyo ng lugar kundi naghatid din ng bagong pag-asa at progreso para sa bawat residente.
Ang kalsadang ito ay hindi simpleng ruta lamang; ito ay naging tulay sa mga pangarap ng komunidad, isang paalala na sa likod ng bawat hamon ay may solusyong naghihintay.
Sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP) ng gobyerno para sa taong 2023, naglaan ng mahigit 6.6 milyong piso upang maisakatuparan ang konkretong kalsada sa barangay na may populasyon na tinatayang nasa 9,975 katao. Ang proyekto, na may kabuuang haba na 450 metro, ay sinimulang gawin noong Oktubre 23, 2023, at matagumpay na natapos noong Mayo 13, 2024.
Ayon kay Kgg. Ricardo Tigas, Punong Barangay ng Barangay Cataning, hindi matutumbasan ang epekto ng proyektong ito sa pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga residente. “Ang daan po na ito noon ay hindi madaanan dahil kapag umuulan, ito po ay maputik at lubak-lubak. Napakaganda po ng nangyari dahil nagawa po ang daan, at mayroon pong 800 pamilya ang direktang nakikinabang dito,” pagbabahagi ni Punong Barangay Tigas.
Isa sa mga nakinabang sa proyekto ay si Rose Ann Mina, isang residente ng Sitio Bani. Ayon sa kanya, nagdulot ito ng malaking ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na buhay. “Noong unang taon namin dito, hindi pa siya sementado. Maputik at mahirap daanan kapag umuulan. Pero ngayon, napakaayos na at napakadaling daanan,” aniya.
Ang proyektong ito ay nagsisilbing solusyon sa mga pang-araw-araw na suliranin ng mga residente, tulad ng mahabang oras ng biyahe at panganib sa kaligtasan na dulot ng hindi maayos na kalsada. Mapapadali na rin ang pagtungo ng mga tao sa mga pangunahing pamilihan, paaralan, at iba pang serbisyong pampubliko.
Higit pa rito, pinatutunayan ng proyektong ito ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno upang tugunan ang pangangailangan ng mga komunidad.
Ang Sitio Bani-Cataning Road ay paalala na ang tunay na progreso ay nasusukat hindi lamang sa haba ng daan kundi sa dami ng buhay na natutulungan nito. Sa patuloy na pag-abante ng Barangay Cataning, ang kalsadang ito ay magsisilbing inspirasyon para sa iba pang komunidad na naghahangad ng mas maayos at mas maunlad na kinabukasan.