Sumailalim ngayong araw ang mga barangay ng Bayan ng Guagua sa isang oryentasyon patungkol sa kampanya ng pamahalaan kontra insurhensiya at kung papaano nila maitataguyod ang mga inisyatibong pangkapayaapaan at kaunlaran sa kani-kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kanilang Barangay Development Plan.
Sa suporta ng PTF-ELCAC at PPOC, ang aktibidad na pinamagatang "The DOER: Delivery of Optimal and Efficient Services through Retooling of the Community Support Program" ay isinagawa sa pangunguna ng DILG Pampanga at AFP 70th Infantry Battalion.
Sentro ng dalawang araw na aktibidad ang talakayan tungkol sa Security Awareness, EO 70, Retooled Community Support Program at pagsasaayos ng mga Barangay Development Plans upang siguruhing maisama ang mga pangunahing isyu at pangangailangan sa komunidad kalakip ang mga angkop na solusyon at interbensyon.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Provincial Director Myra Moral-Soriano ang mga kalahok na maging aktibo sa pagtugon sa mga isyu sa barangay at maging katuwang ng pamahalaan sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo nang sa gayon ay maramdaman ng mga mamamayan ang malasakit ng gobyerno sa kanila.
“Ang ating probinsya ay nadeklara na sa ilalim ng State of Stable Internal Peace and Security. Ibig sabihin payapa at walang insurhensiya sa ating lugar. Ngunit hindi dito natatapos ang kampanya para sa kapayapaan. Kailangan natin itong i-sustain at malaki ang inyong papel bilang mga frontliners ng komunidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lalawigan.”
Nahahati sa tatlong batches ang aktibidad at kasama sa mga kalahok sa mga susunod na araw ang mga barangay mula sa bayan ng Floridablanca at Mexico.
Ang nasabing aktibidad ay parte ng selebrasyon ng National Peace Consciousness Month 2024 ngayong buwan.