Candaba, Pampanga - Nakatakdang magsimula ang bagong yugto ng pag-unlad sa Brgy. Pasig, Candaba, Pampanga matapos ang matagumpay na pagbubukas ng bagong kalsadang nag-uugnay sa Government Center ng Candaba noong Miyerkules, ika-23 ng Agosto, taong 2023. Isang makasaysayang araw na puno ng pag-asa at determinasyon para sa mga mamamayan.
Kasama ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Candaba, Department of the Interior and Local Government (DILG) Pampanga, at DILG Central Luzon, pinangunahan ni Mayor Rene Maglanque ang pagpapasinaya ng bagong kalsada. Ang kalsadang ito ay proyektong pinondohan ng Seal of Good Local Government Incentive Funds (SGLGIF), isang prestihiyosong parangal na ipinagkakaloob sa mga lokal na pamahalaan na nagpapakita ng kahusayan sa pamamahala at serbisyong publiko.
Ang bagong kalsada ay naglalayong higit pang mapadali ang pag-access sa mga pangunahing pasilidad sa loob ng Government Center. Makakatulong ito sa mas maginhawang paglalakbay ng mga mamamayan patungo sa mga tanggapan ng pamahalaan, bangko, Police Station, paaralan, evacuation center, at iba pa. Isang malinaw na senyales ito ng pagsisimula ng isang progresibong bayan na may bukas na oportunidad para sa lahat.
Sa kanyang pahayag, binigyang diin ni Mayor Maglanque ang kabuluhan ng proyektong ito: "Ito pong proyektong ito ay magcoconnect sa mga building na itatayo pa dito.
Maraming maraming salamat po sa proyektong ito, ito po ay panghabang buhay na pangkabuhayan sa mga tao." Sa pangkalahatan, ang bagong kalsada ay nagdulot ng pag-asa at inspirasyon sa mga mamamayan ng Candaba. Sa tulong ng matagumpay na proyektong ito, malalabanan ang mga pagsubok at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kanilang kinabukasan.