Matagumpay na naisagawa ang huling pagsasanay sa Batas at Barangay para sa Kaayusan ng Pamayanan: Training for Lupong Tagapamayapa on Katarungang Pambarangay and Other Special laws ngayong Marso 13-14, 2025, sa Greene Manor Hotel, San Fernando, Pampanga.

Itinampok sa pagsasanay ang mahahalagang pagbabago sa Katarungang Pambarangay, kabilang ang masusing pagtalakay sa buong proseso nito—mula sa pagsampa ng reklamo, pagdaraos ng proceedings, tungkulin ng Lupong Tagapamayapa, hanggang sa posibleng pagsampa ng kaso sa mas mataas na korte kung kinakailangan.

Inilahad din ang Lupong Tagapamayapa Incentives and Awards (LTIA) para higit pang mapabuti ang operasyon ng Lupong Tagapamayapa at mas mapataas ang tsansa ng mga barangay na makatanggap ng pagkilala sa epektibong pagpapatupad ng Katarungang Pambarangay.

Tinalakay rin ang iba't ibang special laws kung saan may mahalagang tungkulin ang mga opisyal ng barangay, kabilang ang Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act of 2004, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Community Service Act, at Small Claims. Binigyang-linaw dito kung paano maaaring magsilbing unang tagapagpatupad ng batas ang barangay sa mga kasong ito, kabilang ang tamang proseso ng documentation, intervention, at pakikipag-ugnayan sa mga ahensyang may kinalaman dito.

Ang pagsasanay na ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga, sa pamamagitan ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Integrated Bar of the Philippines (IBP), Department of Justice (DOJ), at Public Attorney’s Office (PAO) na gawing sentro ng hustisya ang barangay—isang pamayanang nagkakaisa sa diwa ng restorative justice, peacebuilding, at epektibong lokal na pamamahala.