Pinulong ngayong araw ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr. ang mga lokal na opisyal ng probinsya kabilang na ang gobernador ng lalawigan at mga alkalde nito upang alamin ang sitwasyon sa Pampanga matapos ang pananalasa ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon sa Central Luzon.
Sa nasabing pagpupulong na ginanap sa SP Session Hall ng Provincial Capitol, inilatag ang mga iba’t-ibang hakbang na kailangan ipatupad upang agarang masolusyunan ang pagbaha sa lalawigan, gayundin ang pagbalangkas ng mga pangmatagalang interbensyon upang hindi na maulit ang kaparehong senaryo sa hinaharap.
Kabilang sa mga iminungkahi ang pagpapatupad ng dredging activities katuwang ang mga lokal na pamahalaan, pagsasaayos sa ilang bahagi ng NLEX partikular na ang parte sa may San Simon exit at pagtaas ng Tulaoc Bridge, at ang masinsinang pag-aaral para sa pagpapatayo ng water impounding project sa isang bayan ng Pampanga.
Matapos ang pagpupulong, iginawad ni Presidente Marcos ang tulong pinansyal sa mga alkalde ng Pampanga bilang karagdagan sa relief and rebuilding efforts na kasalukuyang isinasagawa sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Kabilang din sa dumalo sa pagpupulong ang mga kongresista ng Pampanga at mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya tulad ng DILG, DPWH, DOLE, OCD, DA, DTI, DEPED at DENR.