Noong ika-26 ng Enero, 2023 sa Barangay Pinagbarilan, Baliwag Bulacan ay nagsagawa ang Panlungsod na Tanggapan sa Baliwag ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng isang pagsasanay ukol sa Katarungang Pambarangay. Ito ay dinaluhan ng mga Lupong Tagapamayapa mula sa iba't-ibang Barangay ng nasabing Lungsod.
Nilalayon ng idinaos na gawain na muling bigyan ng naangkop na kaalaman ang mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa ukol sa mga naaayon sa batas na proseso ng pagreresolba ng mga kaso na inihain sa ilalim ng Katarungang Pambarangay. Ito rin ay bilang paghahanda sa nalalapit na pagtatasa kung saan ay titingnan ang pagiging epektibo ng pagganap ng huli sa pagpapatupad ng nasabing proseso.
Ang Katarungang Pambarangay ay isang epektibong paraan upang maghatid ng mas mura at mas angkop na proseso ng pagresolba ng mga alitan sa pagitan ng mga mamamayan na naninirahan sa parehas na barangay o pamayanan. Ito rin ay naglalayon na mabawasan ang dami ng mga kaso na naisasampa sa mga hukuman na kalaunan ay inaasahang magbibigay daan sa mas mabilis ng pag-usad ng mga kaso tungo sa pagkamit ng hustisya.