×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 23522

Ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ng Zambales, sa pamumuno ni Direktor Armi V. Bactad ay nagsagawa ng isang panlalawigang oryentasyon upang matulungan ang anim (6) na barangay ng Zambales, na itinalagang mga benepisyaryo ng Support to Barangay Development Program (SBDP) para sa taong 2022, sa paghahanda ng kani-kanilang listahan ng mga prayoridad na proyekto noong Setyembre 20, 2021, 2:00 NH, gamit ang zoom meeting application.

 Ang nasabing oryentasyon ay naglalayong matulungan ang mga benepisyaryong barangay— Cabatuan, Maguisguis, Nacolcol, Poonbato, at Villar ng Bayan ng Botolan at Barangay Guisguis ng Bayan ng Sta. Cruz — sa pagsasaayos ng kanilang listahan ng mga prayoridad na proyekto na siyang tutugon sa isyu sa kanilang mga nasasakupan, na pawang nakapaloob sa kani-kanilang mga Barangay Development Program.

Ang gawain ay dinaluhan ng iilang kawani ng lokal na pamahalaan ng mga Bayan ng Botolan at Sta. Cruz, mga Punong Barangay ng mga nasabing barangay, mga kawani ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal mula sa pangrehiyong at panglalawigang tanggapan, at mga Municipal Local Government Operations Officers (MLGOOs) ng nasabing bayan.

Sa kanyang mensahe, binigyang linaw ni Dir. Bactad, na ang layunin ng pagpupulong ay upang makapagbigay ng tulong teknikal sa mga target barangay beneficiaries at upang mas magkaroon ng maayos na listahan ng mga prayoridad na proyekto na naaayon sa project menu ng 2022 SBDP tungo sa pag-angat at pag-unlad ng kabuhayan ng mga residente rito.

Binigyan diin naman ni Cluster Team Leader Judith B. Romero, sa kanyang mensahe na mapalad ang Zambales bilang isa sa sa mga lalawigang may mga napiling beneficiaries sa Rehiyon III para sa programang ito, lalung-lalo na ang mga bayan ng Botolan at Sta. Cruz, Zambales.

Nagsilbing mga tagapagsalita sina Engr. III Ma. Garelyn Pangilinan at Engr. II Jess Ediilor na nagbigay kaalaman patungkol sa SBDP. Kanila ring ibinahagi ang mga polisiyang gumagabay at nagmamandato rito, at mga proyektong saklaw at hindi saklaw sa ilalim ng programang ito. Binigyang diin sa presentasyon na mayroong maximum na Dalawampung Milyong Piso (Php 20,000,000.00) ang mga target beneficiaries na kumpirmadong cleared sa presensya at sa impluwensiya ng mga komunista/teroristang grupo sa kanilang lugar ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).Bukod dito, pinasinayaan din sa gawain ang pagbibigay daan upang mailatag ng mga kalahok ang kani-kanilang mga katanungan patungkol sa programa at matugunan ang mga ito.

Ang SBDP ay isang programa na kinonsepto upang maghatid serbisyo sa mga pamayanan na nangangailangan, katulad ng mga proyektong may kinalaman sa socioeconomic growth – farm-to-market road, health centers, electrification, water and sanitation facilities, schools, at mga livelihood projects.