Sa pangunguna ni Gobernador Hermogenes E. Ebdane, Jr., pinuno ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ng lalawigan ng Zambales, katuwang ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG)-Zambales na pinamumunuan ni Direktor Armi V. Bactad, matagumpay na naidaos ang pagpupulong ng tatlong (3) konseho para sa ikatlong kwarter ng taon, noong Setyembre 16, 2021 gamit ang zoom application upang talakayin ang sitwasyon at mga hakbangin para sa peace and order and safety ng lalawigan.
Ang pagpupulong ay dinaluhan ng mga miyembro ng tatlong konseho na binubuo ng mga nasyonal na ahensya, mga punong bayan ng labintatlong (13) munisipalidad sa Zambales, mga pinuno ng kagawaran ng lokal na pamahalaan ng lalawigan at mga Civil Society Organizations (CSOs).
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Gobernador Ebdane ang kanyang patuloy na pagsuporta sa mga hakbangin ng mga stakeholders sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Zambales, gayundin sa pagsasaayos ng mga polisiya tungkol sa pangangasiwa ng lalawigan kontra sa paglaganap ng COVID-19.
Kaugnay sa pamamahala ng COVID-19 sa lalawigan, inilahad ni Dra. Madonna Alegado ng Provincial Health Office (PHO) ang kasalukuyang datos ng mga nagpositibo sa COVID-19, kung saan naitala ang mga bayan ng Botolan, Iba at Masinloc na may pinakamataas na kaso sa lalawigan. Inisa-isa rin ang mga isyu at mga rekomendasyon tungkol sa mga naaangkop na pamamaraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19. Iniulat rin ni G. Ivan Joseph D. Dilag ang mga update kaugnay sa patuloy na implementasyon ng vaccination program ng pamahalaan.
Samantala, tinalakay naman ni Lt. Col Eugene Henry Z. Cabusao ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Punong Patnugot PCOL Romano V. Cardino ng Zambales Police Provincial Office (ZPPO) at IA V Jigger B. Juniller ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga updates, mga natapos na gawain at mga hakbangin hinggil sa patuloy na pagpapaigting ng paglaban sa terorismo, krimen at paglaganap ng illegal na droga sa lalawigan.
Ipinaabot din ni Gobernador Ebdane ang kanyang pasasalamat sa PDEA at ZPPO sa kanilang maayos na koordinasyon at matagumpay na operasyon upang masamsam ang mga ilegal na droga mula sa mga Chinese Nationals na nagkakahalaga ng PHP 3.4B sa lalawigan noong Setyembre 7, 2021.