×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 23522

Pinangunahang ng DILG Pampanga ang pagsasagawa ng online SK Mandatory Training (SKMT) na nilahokan ng higit 50 na kabataang opisyales mula sa iba't-ibang barangay ng probinsya noong Setyembre 15, 2021. Ayon sa batas, ang pagsasanay ay kinakailangang pagdaanan ng lahat ng mga SK officials, sila man ay ibinoto o hinirang (appointed), bago sila opisyal na maluklok at manungkulan sa kanilang nasasakupan.

 Karamihan sa mga kalahok sa aktibidad ay mga SK Secretaries at Treasurers na hinirang ng kani-kanilang sanggunian at hindi pa dumaan sa nasabing pagsasanay.

Binigyang-diin sa oryentasyon ang mga usapin ukol sa proseso ng pagsasagawa ng pagpupulong, mga tungkulin at responsibilidad ng SK, at pagpa-plano at pagba-badyet ng pondo. Tinalakay din ang mga iba't-ibang konsepto ng pamamahalang lokal, kasaysayan ng Sangguniang Kabataan sa bansa, mga repormang nakapaloob sa RA No. 10742 o mas kilala bilang SK Reform Act of 2015, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sa kanyang mensahe, binigyang pugay ni PD Myri Apostol-Fabia ang mga SK officials sa kanilang dedikasyon at hangaring makapagsilbi sa bayan sa kabila ng wala silang natatanggap na sweldo o honorarium. Hinimok din niya ang mga ito na maging kaisa sa mga programa ng pamahalaan at manindigan laban sa mga kinakaharap na problema ngayon ng bansa tulad ng pandemya, insurgency at illegal na droga.

"Kayo ang pag-asa at kinabukasan ng ating bayan. Kung ano ang ginagawa natin ngayon ay siya ring magtatakda ng kinabukasan ng bayan natin. Sana ay 'wag kayong mawalan ng pag-asa na tayo ay makakabangon at malalagpasan natin ang mga pagsubok na hinaharap ng ating bansa. Sana ay manatili kayong malakas, masigasig at marunong upang maakay ang mga kabataan sa mga gawaing makakatulong sa pagbangon ng bansa natin," hayag ni PD Fabia.