Sinimulan ng bayan ng Botolan, katuwang ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) Botolan, ang serye ng mga oryentasyon bilang paghahanda sa Municipal Devolution Transition Committee (MDTC) at mga Barangay Devolution Transition Committee (BDTC). Ito ay kaugnay sa pagharap sa ganap na paggampan ng mga tungkulin alinsunod sa Executive Order No. 138. Ang nasabing aktibidad ay nagsimula noong Agosto 18 hanggang Setyembre 10, 2021 gamit ang blended approach of learning.
Ang mga gawain na alinsunod sa nasabing utos ehekutibo ay nagsimula matapos pormal na ibinaba noong Agosto 11, 2021, ang Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1 ng Kagawaran ng Badyet at Pamamahala (DBM) at DILG na nagbibigay gabay sa mga lokal na pamahalaan sa paghahanda sa kani-kanilang mga devolution transition plan (DTP). Dito ay mababalangkas ang mga inisyatiba at gawain ng isang pamahalaang lokal patungo sa ganap na debolusyong magsisimula sa taong 2022. Ayon sa nasabing JMC, binibigyan ang mga bayan ng siyamnapung (90) araw at ang mga barangay ng animnapung (60) araw upang masapinal ang kanilang mga DTP.
Ipinaliwanag ni Municipal Planning and Development Coordinator (MPDC) Rodolfo L. De Los Reyes na ang mga unang hakbangin na oryentasyon ay naglalayong mabigyang kaaalaman ang mga kalahok at iba pang stakeholder sa rasyonale ukol sa ganap na debolusyon, mga lalamanin ng DTP, proseso at iba pang mga mekanismo sa paghahanda ng MDTC at mga BDTC. Tinalakay naman ni Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Shieralyn B. Esteban ang mga bahagi, annexes at mga pangunahing elemento sa pagbuo ng DTP na siyang magsisilbing mapa at direksyon ng bayan at mga barangay, kalakip ang capacity development agenda.
Ilan sa mga lumahok sa mga serye ng gawain ay ang mga hepe ng kagawaran at mga opisina ng bayan, kinatawan mula sa tanggapan ng Sangguniang Bayan, mga kinatawan ng Civil Society Organization na bahagi ng Local Development Council (LDC) at mga Sangguniang Barangay at iba pang miyembro ng BDTC.