Sa gitna ng limitasyon na dinulot ng pandemya, tiniyak pa rin ng DILG Pampanga ang lalong pagpapalakas ng kakayahan at pagtugon sa pamamagitan ng Buwanang Panlalawigang Pagpupulong, Pagpaplano, at Pagsusuri sa Pamamahala na ginanap noong Agosto 24, 2021, sa Katimawan Hall, Pampanga Police Provincial Office, CSFP.
Kasama si OIC-Punong Tagapagpatupad ng DILG Rehiyon III, Jay E. Timbreza, , layunin ng pagpupulong na ito na talakayin ang direksyon na tatahakin ng Team Pampanga para sa mga susunod na buwan. Pinagmamalaking inilahad sa aktibidad na ito ang mga inisyatibo at bagong programa na naging parte nang patuloy na pagsisikap ng organisasyon para pagtibayin ang samahan ng bawat kawani ng DILG Pampanga at palakasin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan.
Inihayag ni PD Myrvi Apostol-Fabia ang kanyang pasasalamat sa patuloy na dedikasyon ng bawat opisyal at tauhan ng DILG Pampanga. Binigyang diin din niya na ang kahalagahan ng pagmamahal sa trabaho ang magiging inispirasyon ng bawat isa sa patuloy na paglaban sa hamon ng buhay. "Malayo pa ang ating lalakbayin. Hindi tayo nauubusan ng dapat gawin para sa bayan. Napakahalaga ng suporta at pakikiisa ng DILG Pampanga sa ating mga LGUs at sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan upang makamit ang ating mabuting hangarin para sa bansa," dagdag ni Dir. Fabia. Ilan sa mga paalala niya ang pagpapatupad at mahigpit na pagsubaybay sa pagsunod ng mga lokal na pamahalaan sa Executive Order 2021-17 at mga IATF Resolutions, aktibong pagtugon ng mga COVID Hotlines sa mga LGUs, pagkakaroon ng mga isolation centers, at ang maingat at tamang paggamit ng social media tuwing oras ng trabaho.
Malugod din na nagbigay ng mensahe at paggabay si OIC-RD Jay E. Timbreza sa mga empleyado ng DILG Pampanga. Ipinaabot ni Dir. Timbreza ang kanyang pagbati at pagkilala sa katatagan at pagsisikap ng Team Pampanga dahil patuloy at mahusay na nagagampanan ang mga responsibilidad at direktiba mula sa departamento sa kabila ng malakas na banta ng COVID-19 virus. Patuloy ding hinimok ni Dir. Timbreza na laging gampanan ang tungkulin bilang matino mahusay at maaasahang kawani ng gobyerno. "Ang malasakit at tatak ng serbisyo ay nasa dugo ng DILG. Lubos ang aking pasasalamat sa Team Pampanga. Kayo ay mahalaga sa amin." ani ni Dir Timbreza.
Nagkaroon ng talastasan kasama si Dir. Timbreza na labis namang nakatulong sa pagbibigay-linaw sa iilang isyu at concern hinggil sa mga trabaho na nakaatang sa bawat opisyal at empleyado ng DILG Pampanga.