"Bigyan mo ng isda ang isang tao at pinakain mo siya sa loob ng isang araw. Ngunit kung tuturuan mo siyang mangisda, kakain siya habang siya ay nabubuhay." Pinatutunayan ng nabanggit na salawikain na ang paglinang sa kakayahan ng isang manggagawa ay mahalagang sangkap tungo sa ikabubuti ng kaniyang kabuhayan. Sa pamamagitan ng mga programang pangkasanayan, napauunlad ang abilidad ng isang tao na nagnanais sumabak sa isang trabaho o negosyo.
Sa bayan ng Mariveles, masasabing gumaganap ng malaking bahagi ang angkin nitong yamang-tao para mapanatili ang pangkalahatang progreso. Kaya, mula sa pondong inilaan ng DILG sa ilalim ng programang FY 2020 Assistance to Municipalities, napagpasyahan ng pamahalaang lokal na magtayo ng isang Livelihood Training Center sa tinaguriang New LGU Government Center sa Barangay Alas-asin. Ang nasabing sentrong pangkasanayan ay ibayong suporta para sa mga mamamayan na ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ay pangingisda, paggawa ng bangka, pagtataguyod ng turismo, at pamamasukan sa mga pabrika. At bagaman limitado ang paggalaw dahil sa pandemya, ang istrukturang ito ay maaari ring magsilbing pook ng pagtitipon sa tuwing may gawain sa barangay gaya ng pamamahagi ng ayuda at mga katulad na aktibidad.
Ngayong panahon na marami ang nag-aapuhap ng trabaho, makatutulong ang bagong gusaling ito sa mithiin ng lokal na pamahalaan ng Mariveles na lalong pataasin hindi lamang ang kalidad ng lakas-tao kundi maging ang antas ng pamumuhay sa kabuuan. Dahil kung may kasanayan ang isang tao, mas mapadadali ang paghahanap niya ng trabaho; at kung may pinagkakakitaan, ang buhay ay unti-unting gumagaan.