Matapos ang oryentasyon sa mga miyembro ng Devolution Transition Committee (DTC) at Technical Working Group (TWG) mula sa iba't-ibang mga lungsod at bayan ng Pampanga, pinulong naman noong Agosto 31, 2021 ng DILG Pampanga ang lahat ng mga Barangay Devolution Transition Committees upang bigyan sila ng patnubay sa kanilang mga susunod na hakbangin kaugnay ng pagpapatupad ng full devolution sa susunod na taon.


Pangunahing pakay ng aktibidad ang pagsasalin ng kaalaman sa mga barangay sa pagbalangkas ng kani-kanilang Devolution Transition Plans (DTPs) upang epektibong maipatupad ang mga pangunahing serbisyo na nakasaad sa Section 17 ng Local Government Code of 1991 at maisakatuparan ang hangarin ng full devolution.
Pinangunahan ng DILG Pampanga Provincial DTP-CapDev Coaching Team ang nasabing online activity kung saan tinutukan ng mga tagapagsalita ang mahahalagang paksa ukol sa Supreme Court ruling on the Mandanas-Garcia case at mga petsang dapat tandan at sundin sa paggawa ng ng DTPs. Ipinakita at ipinaliwanag din ng mga Cluster Team Leaders ng probinsya kung papaano sagutan ang mga DTP forms.
Pinaalalahanan naman ni PD Myrvi Apostol-Fabia ang mga barangay na kailangan i-prayoridad ang mga programa at serbisyo na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng kanilang mga nasasakupan, at kung maaari ay iwasan na gamitin ang matatanggap nilang dagdag pondo o NaTA para pandagdag ng honorarium.
Tiniyak din ni PD Fabia na laging nakaantabay ang departamento at handang tumulong sa mga barangay para masiguro na tuloy-tuloy ang pagbibigay serbisyo sa publiko.