Pinangunahan ng Devolution Transition Committee (DTC) ng bayan ng Cabangan ang pagpupulong noong Agosto 24, 2021 upang pag-usapan ang mga kinakailangan sa pagbuo ng Devolution Transition Plan (DTP) bilang paghahanda sa full devolution na magsisimula sa susunod na taon.
Tinalakay ni LGOO VI Nedricks P. Canlas, opisyal na tagapagpakilos ng lokal na pamahalaan, ang mga nilalaman ng Devolution Transition Plan at ibinahagi niya ang listahan ng mga devolved functions, services, and facilities batay sa Local Government Code of 1991 at iba pang umiiral na batas.
Napag-usapan din sa pagpupulong ang mga iba't-ibang bagay na kailangang isaalang-alang sa prayoritisasyon ng mga devolved functions and services na isasagawa sa lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni G. Crispin T. Danauto, municipal planning and development coordinator (MPDC), na ang napapaloob na programa, proyekto, at aktibidad sa plano ay dapat mga pinakamahahalaga sa paghahatid ng mga devolved services bilang pagsaalang-alang sa limitadong pondo ng lokal na pamahalaan.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng Devolution Transition Committee na binubuo ng lahat ng hepe ng mga kagawaran ng bayan ng Cabangan at ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG).