Sa pangunguna ng DILG Zambales na pinamumunuan ni Direktor Armi V. Bactad, kasama ang iba't-ibang nasyonal na ahensya (NGAs) at mga kinatawan ng Provincial Devolution Transition Committee (DTC) sa pangunguna ni Punong Lalawigan Hermogenes E. Ebdane, Jr., matagumpay na idinaos ang panlalawigang oryentasyon sa paghahanda ng Local Government Unit Devolution Transition Plans (LGU DTPs) upang umpisahan ang pagbalangkas ng mga lokal na pamahalaan patungo sa full devolution sa taong 2022. Ito ay ginanap noong Agosto 26-27, 2021 sa pamamagitan ng zoom meeting platform.
Ang nasabing oryentasyon ay naglalayong matalakay ang mga alituntunin sa pagbalangkas ng DTP at maipresenta ang DTP ng bawat ahensya upang maging gabay ng mga lokal na pamahalaan sa sistematikong pagsasaayos ng kani-kanilang mga DTPs.
Sa unang bahagi ng oryentasyon, tinalakay ang Mandanas-Garcia Supreme Court Ruling at Executive Order No. 138 serye 2021; Communications Plan Strategy: Key Messaging at mga alituntunin para sa paghahanda ng LGU DTPs na ibinahagi nina LGOO VII Judith B. Romero, Cluster Team Leader, LGOO II Paulin Johanne L. Reyes at LGOO VI Sheryl Ann Q. Dungca.
Sa huling bahagi naman, isa-isang tinalakay ng mga tagapagsalita mula sa DILG Zambales ang mga bahagi ng LGU DTP kung saan ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga lokal na pamahalaan na balangkasin ang kanilang DTPs sa pamamagitan ng workshop. Nagkaroon rin ng pagkakataon na makapagbigay komento ang iba't-ibang NGAs sa kanilang mga ibinahaging outputs.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga Municipal Devolution Transition Committee (DTC) ng labintatlong (13) munisipalidad ng Zambales na binubuo ng mga sumusunod: Punong Bayan bilang tagapangulo, regular na miyembro ng lokal na sanggunian, mga miyembro ng Local Finance Committee; tagapangasiwa ng lokal na pamahalaan (Local Administrator), pangulo ng Liga ng mga Barangay (LnB); mga kinatawan ng civil society organizations (CSOs) at people's organizations (POs) na miyembro ng Local Development Council (LDC) at iba pang tagapangasiwa ng lokal na pamahalaan.
Naging malaking bahagi naman ang mga sumusunod na ahensya bilang tagapagsalita upang makapagbigay ng teknikal na suporta sa mga lokal na pamahalaan: Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG) Region III, Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE),Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), National Irrigation Administration (NIA), Department of Information and Communication Technology (DICT), Civil Service Commission (CSC), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni CTL Romero ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga NGAs at lokal na pamahalaan para sa maayos na pagbabalangkas ng mga planong ito upang matagumpay na maisakatuparan ang minimithing full devolution.
Samantala, kaakibat ng pagtaas ng pondo ng mga lokal na pamahalaan ay ang inaasahang karagdagang mga serbisyo na kailangang maihatid ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan. Kaya naman, hinikayat din ng Punong Lalawigan Hermogenes E. Ebdane, Jr. ang masigasig na partisipasyon ng bawat isa sa maayos na pagsasakatuparan ng kani-kanilang tungkulin bilang mga kawani ng gobyerno upang makamit ang sama-samang pag-unlad ng buong lalawigan.
Naging makabuluhan naman ang pagsasagawa ng dalawang araw na aktibidad dahil sa aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan katuwang ang mga inanyayahang NGAs sa pagbalangkas ng kanilang DTPs tungo sa full devolution.