Kaugnay ng DILG Memorandum Sirkular Blg. 2021-074 hinggil sa muling pagsasagawa ng Pilot Testing ng Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng Pamahalaang Lokal Para sa mga Barangay (SGLGB), nagdaos ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Nueva Ecija ng isang virtual orientation sa pamamagitan ng Zoom Meetings Application noong Agosto 17, 2021.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong ihanda ang mga napiling Pilot Barangays ng bawat LGUs sa lalawigan gayon din ang mga Opisyal na Tagapagkilos ng Pamahalaang Lokal (C/MLGOOs) na siyang magsisilbing Chairperson ng City/Municipal Assessment Team.
Malugod na sinalubong ng mga Pinuno ng mga Pangkat na sina LGOO VII Danilo C. Rillera at LGOO VII Ariel G. Espinosa ang mga kawani ng lokal na pamahalaang dumalo sa nasabing orientation. Nagbigay naman ng pambungad na mensahe si Program Manager LGOO VI Alfa Krista C. Reyes. Pinaliwanag din niya ang magiging daloy ng programa, maging ang mga pangunahing layunin ng gaganaping SGLGB Pilot Testing.
Ibinahagi ni LGOO II Marie Chia S. Roncesvalles, isa sa mga focal persons ng programa, ang Memorandum Sirkular Blg. 2021-074, kabilang ang mga legal na batayan, mga performance areas na i-a-asses at mga indicators pati na rin ang talakdaan na susundin sa pagsasagawa ng Pilot Testing. Tinalakay din nya ang mga magiging miyembro ng Assessment at Validation Teams gayon din ang magiging katungkulan ng mga ito.
Samantala, pinaliwanag naman ni LGOO III Leovielyn H. Aduna, pangunahing focal person, ang mga gagamiting forms at kung paano rin bibigyang iskor ang mga barangay sa bawat indicators sa ilalim ng mga performance areas. Dinetalye rin niya maging ang mga dokumentong kailangang ihanda at isumite ng mga barangay upang sila ay kilalanin bilang matapat at mahusay na pamahalaang lokal. Nang matapos ay pinakita ni LGOO III Aduna ang gagamiting Information System kung saan ipapasok ang mga dokumento ng barangay. Ito rin ang magsisilbing batayan ng panlalawigan, panrehiyong validation teams at ng National Quality Committee sa pag validate ng mga resulta.
Bago magtapos ang programa ay binigyan ng pagkakataon ang mga opisyal ng barangay at C/MLGOOs na linawin ang kanilang mga katanungan.