Pinangunahan ng DILG Zambales sa pamumuno ni Direktor Armi V. Bactad, ang coordination meeting ng DILG at iba pang National Government Agencies (NGAs) at kinatawan ng Provincial Devolution Transition Committee (DTC) upang talakayin ang mga paghahanda at mga stratehiya para sa maayos na pagsasagawa ng Provincial Orientation on the Preparation of Local Government Unit Devolution Transition Plans (LGU DTPs). Ito ay ginanap noong Agosto 20, 2021 sa pamamagitan ng zoom meeting.
Ang nasabing pagpupulong ay naglalayong matalakay ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat ahensya patungo sa maayos at sistematikong pag-gabay sa mga lokal na pamahalaan sa pagsasaayos ng kani-kanilang mga DTPs.
Ito ay dinaluhan ng mga mga kinatawan ng mga sumusunod na ahensya: Department of Agriculture (DA), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE),Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), National Irrigation Administration (NIA), Department of Information and Communication Technology (DICT), Civil Service Commission (CSC) and Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO). Kasama rin ang Provincial Planning and Development Coordinator (PPDC) na kinatawan naman mula sa Provincial DTC.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Direktor Bactad ang mga NGAs at kinatawan ng Provincial DTC sa kanilang pagtugon sa pagpupulong upang pagplanuhan ang maayos na pagbibigay-gabay sa paggawa ng DTPs ng mga lokal na pamahalaan.
"Maraming maraming salamat dahil pinaunlakan ninyo ang aming panawagan na magusap-usap tayo para ma-ensure na ma-implement natin ng maayos itong pag-craft ng LGUs sa kanilang Devolution Transition Plan. Ito ay start palang ng pag-uusap usap natin, magiging mahaba pa ang ating coordination", pahayag ni Direktor Bactad.
Binigyang diin naman ni LGOO VII Judith B. Romero, Cluster Team Leader ang kahalagahan ng mga DTPs at tulong ng iba't ibang NGAs upang maisaayos ang pagbuo ng DTPs ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, inilahad naman ni LGOO VI Sheryl Ann Q. Dungca, DTP Focal Person ang mga nilalaman ng DILG-DBM Joint Memorandum Circular Blg 2021-01 kaugnay sa mga alituntunin para sa paghahanda ng LGU DTPs.
Ibinahagi naman ni LGOO II Paulin Johanne Reyes ang inisyal na programa para sa isasagawang Provincial Orientation kaugnay sa preparasyon ng LGU DTPs na gaganapin sa Agosto 26-27, 2021. Nagkaroon rin ng palitan ng mga komento at suhestyon sa pagitan ng mga ahensya sa pagbibigay ng technical assistance sa mga lokal na pamahalaan.
Ang LGU DTPs ang magsisilbing roadmap ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak na maayos at magkakaugnay ang mga aksyon tungo sa buong implementasyon ng mga devolved function tulad ng nakasaad sa Local Government Code ng 1991 at iba pang batas.