TSLogo

 

 

facebook page

 

PNP Chief Torre, Bumisita sa Bulacan PPO; Itinampok ang 5-Minute Response Time at Modernisasyon ng Kapulisan

Camp General Alejo S. Santos, Lungsod ng Malolos, Bulacan — Sa layuning paigtingin pa ang serbisyo ng kapulisan sa lalawigan, bumisita si PNP Chief Police General Nicolas D. Torre III ngayong araw, ika-6 ng Agosto, sa Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa Camp General Alejo S. Santos upang saksihan ang seremonyal na paglilipat ng mga bagong drones at radio communication devices na handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni PNP Chief Torre ang paninindigan ng pambansang pulisya sa pagbibigay ng mabilis at epektibong serbisyo sa publiko, partikular sa pamamagitan ng 5-minute response time, na aniya’y hindi lamang sukatan ng kahusayan kundi obligasyong dapat isabuhay ng bawat pulis. Kabilang din sa kanyang mga punto ang patuloy na modernisasyon ng PNP sa kanilang command systems, communication networks, at operational assets gamit ang makabagong teknolohiya gaya ng drones at high-frequency radios. Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Bulacan Governor Daniel R. Fernando sa walang-sawang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, at nangakong paiigtingin pa ng Bulacan PNP ang patrolya at kampanya kontra-kriminalidad, kasabay ng pagsuporta sa mga lokal na inisyatiba para sa kaligtasan ng komunidad.

Sa kanya namang mensahe, muling tiniyak ni Gob. Fernando ang buo at matatag na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa PNP, partikular sa hangaring tuldukan ang problema sa ilegal na droga at mga riding-in-tandem na krimen sa natitirang bahagi ng kanyang termino bilang gobernador. Hinikayat rin niya ang mas matibay na ugnayan sa pagitan ng pulisya at pamahalaang lokal upang matupad ang adhikaing ito sa pamamagitan ng malinaw na koordinasyon at aktibong pagtutulungan.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang DILG Bulacan, sa pangunguna ni DILG Provincial Director Myrvi A. Apostol-Fabia, bilang pakikiisa sa hangarin ng PNP at ng Pamahalaang Panlalawigan para sa isang mas mabilis, moderno, at matatag na kapulisan ng Bulacan.

PROVINCIAL DIRECTOR'S MESSAGE
Untitled-2.png

 


Featured Video