LIMAY, Bataan -- Sinuri ng LTIA National Validation Team ang Brgy. Alangan sa pamamagitan ng onsite at online assessment noong Agosto 11, 2022 bilang kalahok sa idinadaos na 2022 Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA).
Ipinakita nina Punong Barangay Teresita Dela Rea at mga miyembro ng lupon ng Alangan ang kanilang mahusay na pagganap at pagtupad sa Katarungang Pambarangay sa LTIA National Validation Team na kinabibilangan ng DOJ-OADR, NAPOLCOM, Supreme Court of the Philippines, DILG Central Office at iba pang mga kasamahan sa mga nabanggit na ahensya.
Ang LTIA national validation ay dinaluhan din nina LGOO IV Isaac Joshua Macabali at Stat I Renzo Miranda ng DILG R3. Ang Brgy. Alangan ay sinuportahan ng DILG Bataan sa pamamagitan nina PD Belina T. Herman, CESO V, MLGOO Evelyn Matias at Program Manager Allan Don Malonzo.
Buo ang ipinaabot na suporta ng lalawigan ng Bataan para sa Alangan sa nasabing patimpalak. Nagpaabot ng kani-kanilang mga mensahe at komendasyon ang mga lokal na opisyal ng Bataan sa pangunguna ni Gob. Joet Garcia, Punong Lalawigan at Mayor Nelson David, Punong Bayan ng Limay at pinadalang kinatawan ni Cong. Abet Garcia, Ikalawang Distrito ng Bataan.
Naroon din si Pangalawang Punong Bayan Richie Jason David at Konsehal Cecil Roxas na binati ang masigasig na paglilingkod ng mga lupon ng Alangan sa mga mamamayan nito at sa pagsisiguro na mapayapa at ligtas ang kanilang komunidad.
Mababatid na noong nakaraang taon ay kinilala na ring National Winner sa 2021 LTIA (1st-to-3rd class municipality category) ang Barangay Alangan at ngayon ay layon nilang makamit muli ang nasabing titulo.