
Mayo 16, 2025 | Sa patuloy na hangarin ng DILG Bulacan, na palakasin ang mga pamahalaang lokal ng lalawigan kaugnay ng implementasyon ng mga programang pang kalikasan, isinagawa ngayong araw ang Panlalawigang Oryentasyon ng Barangay Environmental Compliance Audit (BECA) na dinaluhan ng mga opisyal ng barangay mula sa 24 na lungsod at bayan, kabilang na rin ang mga kinatawan ng City/Municipal Assessment Committee (C/MAC) at Provincial Assessment Committee (PAC).
Kabilang sa mga tinalakay sa aktibidad na ito ay ang gagawing paghahanda para sa nalalapit na pagtatasa ng BECA, pati na rin ang mga panukatang ginagamit upang masukat ang antas ng pagtalima ng mga barangay sa Solid Waste Management (SWM). Sa kanyang mensahe ay binigyang diin ni PD Myrvi Apostol-Fabia ang mandato ng bawat opisyal, maging ng bawat mamamayan na pangalagaan ang kalikasan. Kaniya ring pinaalalahanan ang lahat na hikayatin ang komunidad sa pagsasagawa ng mga clean-up activities, tree planting, at pangangalaga sa HAPAG hindi lamang bilang pagtalima sa BECA kung hindi para sa malinis, ligtas at maayos na pamayanan para sa bawat Bulakenyo.
Ang aktibidad na ito ay isa sa mga inisyatibo sa programang Banyuhay ng Inobasyon at Nalinang na Husay para sa Inang-Kalikasan (BINHI) ng DILG Bulacan sa ilalim ng LINANG, isa sa mga pasilidad ng ALAGWA Bulacan, na naglalayong magbigay ng gabay at kaalaman sa mga pamahalaang lokal ukol sa mga programa at proyekto ng Kagawaran na may kaugnayan sa pangangalaga ng kapaligiran.