HUNYO 24, 2024 | Inilunsad ang kauna-unahang Paleng-QR PH Plus sa Pulilan Public Market, Brgy. Cutcot, Pulilan, kung saan 100% na ng mga tindahan ang gumagamit ng GCash.
Ang Paleng-QR PH Plus ay programa ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na naglalayong mapabilis at maging moderno ang paraan ng pagbabayad sa mga pamilihan at pampublikong transportasyon sa bisa ng Joint Memorandum Circular 2022-01. Kasama ang mga Financial Service Partners gaya ng LandBank, Producer’s Bank, GCash, at Maya, maari nang mamili ang mga konsumer gamit ang QR Code feature sa pagbabayad.
Sa mensahe ni Atty. Anthony C. Nuyda, CESO III, DILG Central Luzon, nagpasalamat siya sa bayan ng Pulilan, sa pamumuno ni IGG. Maria Rosario Ochoa-Montejo, sa pagsulong ng mga makabagong inobasyon para mas mapalakas ang ekonomiya ng bayan upang mas lalong mapataas ang antas ng pamumuhay ng bawat Pulilenyo. Hinikayat rin ni RD Nuyda ang pagpapatupad ng Paleng-QR sa iba pang mga bayan at siyudad sa buong lalawigan.
Mula sa hanay ng DILG, dumalo rin sina PD Myrvi Apostol-Fabia, CESO V, CDD Chief Lee Allen Pineda, Cluster Head at Concurrent MLGOO Lydia Baltazar, at LGOO II Julius Leyva, para saksihan ang matagumpay na paglulunsad ng programa.
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe ang ibat-ibang mga ahensiya at opisina gaya Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), at ang Pulilan Public Market Vendors Association.