Ang dalawang bagong-biling service vehicle na may kabuuang halaga na P1.8 milyon ay nagsakatuparan sa mas magaan at mabilis na serbisyo para sa mga mamamayan ng Samal, Bataan. Ito ay isang proyekto na hindi lamang para sa mga estudyante, kundi maging sa mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Ang pangunahing benepisyaryo ng proyektong ito ay ang mga batang mag-aaral mula sa upland areas. Bawat araw, sila ay naglalakbay pababa sa bayan para makapasok sa paaralan. Subalit dahil sa layo at hirap ng daan, maraming kabataan ang nahihirapan at madalas ay nahuhuli sa klase o tuluyang hindi na nakakapasok. Ngunit ngayon, dahil sa mga bagong service vehicles, mas mabilis at ligtas na silang makararating sa kanilang mga paaralan.
“Ako po ang nag-aayos at nag-aasikaso ng mga ise-service ng ating bagong sasakyan. Priority po kasi ni Mayor na ang mga isasakay sa service nila ay ang ating mga estudyante sa Samal, dahil sa kahirapan ng sasakyan o sa kahirapan ng buhay ng mga tao,” ani ADA III Zaida Cabang, isang staff sa munisipyo.
Hindi lamang mga estudyante ang natutulungan ng proyektong ito. Ang mga kawani ng munisipyo ay mas mabilis na rin na nakakapaghatid ng mga serbisyo sa iba't ibang bahagi ng bayan. Ayon kay Punong-bayan Alexander Acuzar, "Napakalaking tulong ng incentive project na ito para mabigyan ng transportasyon ang ating mga kababayan na nangangailangan nito. Malaking bagay din ito sa mga oras ng sakuna, lalo na’t ang bayan namin ay walang ospital kaya’t ang paghatid ng tao sa ibang bayan ay mapapadali."
Ang pondo na nagmula sa FY 2023 Seal of Good Local Governance Incentive Funds (SGLGIF) ay iginawad sa bayan bilang pagkilala sa kanilang mahusay at epektibong pamamahala.
Tunay na sa bawat ikot ng gulong ng mga bagong sasakyang ito, kasabay din ang pagkakaroon ng mas maayos na kinabukasan para sa mga estudyante at mas mabilis na serbisyo mula sa ating lokal na pamahalaan. Ito ay isang patunay na sa pagkakaisa at maayos na pamamahala, kaya nating abutin ang mga pangarap ng bawat isa.