Nitong ika-29 ng Agosto taong 2024, muling nagsanib-puwersa sa pagtalakay ng kasalukuyang kalagayan ng kaayusan at seguridad ng lalawigan ang mga kasapi ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC), Provincial Anti Drug Abuse Council (PADAC) at Provincial Disaster Risk and Reduction Management Council (PDRRMC) sa isinagawang pulong ng mga konseho para sa ikatlong kwarter ng taon na ginanap sa Balin, Sambali, Iba, Zambales.
Pinangunahan ni KGG. Hermogenes E. Ebdane, Jr., Gobernador, Lalawigan ng Zambales, ang nasabing pagpupulong. Ayon kay Gobernador Ebdane, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng bawat konseho lalo na ang mga uniformed personnel sa pagkamit ng kaayusan at kapayapaan sa probinsya. "... you must be patriotic. Let us exercise patriotism...", dagdag nito.
Sa isinagawang pagpupulong, iniulat ni LTC Sonny G Dungca INF GSC, mula 69th Infantry Battalion, 7th Infantry Division ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP), ang kanilang katuparan sa mga gawain at aktibidad na may layuning maitaas ang antas ng kalidad ng seguridad ng bawat mamamayan. Binigyang diin niya rin ang makabuluhang tagumpay ng probinsya laban sa grupong KLG-Tar-Zam. "... malapit na pong matapos ang problema natin sa insurhensiya...", aniya.
Samantala, ibinida naman ni PCOL Ricardo S Pangan, Jr, Patnugot ng Panlalawigang Tanggapan ng Pulisya (ZPPO), ang mga naging tagumpay na operasyon nito laban sa iligal na gawain at katuparan sa mga isinusulong na programa at proyekto ng ahensya sa pagpapaigting ng kaayusan at kaligtasan sa naturang lalawigan.
Ibinahagi naman ni FINSP Allan P. Lanuza, Acting Municipal Fire Marshall, ang mga naging hakbang ng tanggapan upang maitaas ang kamalayan ng bawat mamamayan sa pagsugpo sa mga insidente na may kinalaman sa sunog. Patuloy din ang pakikipag ugnayan ng tanggapan sa ibang mga ahensya, lokal na pamahalaan at ibang mga establisyemento upang mapalakas ang kanilang kakayahan na makapagbigay ng agarang aksyon sa oras at panahon ng sakuna.
Tinalakay naman ni Agent Marlo M. Ordoña ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang kasalukuyang lagay ng pagkilos laban sa droga sa lalawigan. Ibinahagi din ni Agent Ordoña ang patuloy na pagkilos ng ahensya at ng pamahalaang panlalawigan tungo sa pagkamit ng isang drug free and resistant na lalawigan.
Ipinagbigay-alam naman ni G. Rolex E. Estella ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office (PDRRMO) ang kasalukuyang lagay ng panahon sa lalawigan. Iniulat din ni G. Estella ang mga magiging aktibidad at programa ng opisina bilang bahagi ng paghahanda gaya ng (1) Conduct of Table-top Exercise/Drills/Simulation, (2) Training workshops, (3) Procurement of response capability equipment, (4) Upgrading of Early Warning Systems, at marami pang iba.
Ipinakita naman ni Engr. Edwin E. Ebdane, OIC-Provincial Planning and Development Officer, ang pisikal at pinansyal na estado ng mga programa, proyekto at aktibidad sa ilalim ng 2024 Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan ng probinsya.
Inilatag naman ni LGOO VII/CTL Melissa D. Nipal, Opisyal na Nangunguna sa Panlalawigang tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, ang naging resulta ng pagtatasa sa kasanayan ng mga lokal na pamahalaan at pamahalaang panlalawigan ng Zambales sa Peace and Order Council (POC), Anti-Drug Abuse Council (ADAC), Gawad Kalasag (GK), Seal of Good Local Governance (SGLG) at Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB). Inisa-isa niya rin ang mga proyektong pangkapayapaan sa lalawigan na pinondohan ng pamahalaan sa ilalim ng programang Support to Barangay Development Program o SBDP.
Sa kabilang dako, inilatag din ni LGOO VII/CTL Nipal, ang Joint PPOC-PADAC-PTF-ELCAC Resolution No. 1, series of 2024, na pinamagatang "A Resolution Addressing the Continuous Rise of Road Related Incidents in the Province and Implementing Strategic Measures for Enhancing Road Safety", at Resolution No. 2, series of 2024 na may pamagat na "A Resolution Encouraging All Local Government Units, Barangays, Schools and Government and Private Establishments in Zambales to Strengthen Fire Safety Awareness, Emergency Preparedness, and Workforce Development", na siyang kinatigan naman ng bawat miyembro ng konseho.
Ang nasabing pagtitipon ay kwarterly na isinasagawa upang pag-usapan ang kalagayan ng seguridad ng Zambales at balangkasin ang mga hakbang na dapat sundin upang patuloy na maipanalo ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng bawat Zambaleño.