Ang mabigyan ng maganda at dekalidad na serbisyong pangkalusugan ang bawat Muñozonian ay isa lamang sa mga layunin ng Science City of Muñoz para sa kanilang nasasakupan. Ito ay isang pagsubok sa lokal na pamahalaan kabilang ang mga barangay dahil sa limitado lamang ang mga pasilidad na maaring magamit upang maihatid ang mga pangangailangang medikal sa kanilang mga kababayan.
Ang Barangay Bantug ay ang pinakamalaking barangay sa Lungsod Agham ng Muñoz. Ang kanilang tinatayang populasyon ay mahigit labintatlong- libo kaya’t malaking hamon sa kanilang pamunuan, lalo na sa mga Barangay Health Workers (BHW), ang paghahatid ng mga programang pangkalusugan sa kanilang mga kabarangay.
Sa tulong ng programang Local Government Support Fund – Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), naisakatuparan ang isa sa mga hiling na karagdagang Health Station ng Barangay Bantug. Ang nasabing proyekto ay nasimulang itayo noong Oktubre 2023 at natapos noong ika-28 ng Pebrero 2024.
Malaking tulong ang naibigay ng bagong tayong health station sa mga mamamayan ng Bantug. Ito ay may kabuuang lawak na 64 metro kwadrado na nagsilbing karagdagang lugar na pinagdarausan ng mga medical mission na programa ng lungsod sa nasabing barangay. Kabilang sa mga naisagawang aktibidad ay ang Measles-Rubella and Oral Polio Vaccine (MR-OPV) Supplemental Immunization Activity (SIA) na kung saan maraming mga bata sa Purok Bantug West ang nabigyan ng bakuna kontra tigdas at polio.
Noon, kailangan pang magbahay-bahay ng mga BHW upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga kabarangay gaya ng bakuna at check-up. Minsan naman ay nag-aarkila pa ng tricycle ang mga residente ng Purok Bantug West para makapunta sa pinakamalapit na medical mission sa kanilang lugar. Kadalasan ay nagsisiksikan pa ang mga residente sa nag-iisang health station ng barangay upang matugunan ang kanilang mga pangangailangang medikal. Dahil sa proyektong health station mula sa SBDP, mas nailapit at napadali na ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Bantug. Ipinakita ng proyektong ito ng lokal na pamahalaan, DILG, at NTF-ELCAC kung paano nakatutulong ang Local Government Support Fund sa pagbibigay ng dekalidad at magandang serbisyo sa mga mamamayan ng Muñoz.