Isinagawa ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) Zambales ang Pagsusuri at Kalibrasyon ng estado ng mga Proyekto at kaukulang ulat sa ilalim ng programang Local Government Support Fund (LGSF) at Seal of Good Local Governance Incentive Fund (SGLGIF) ngayong ika-3 ng Mayo, 2024 sa pamamagitan ng Zoom Video Conference. Ang online na aktibidad na dinaluhan ng mga lokal na opisyal mula sa 230 barangays, 13 munisipalidad, at pamahalaang panlalawigan ng Zambales ay may layunin na talakayin at suriin ang kabuuang implementasyon ng mga proyekto at pag-usapan ang mga bagong alituntunin kaugnay sa mga proyekto ng programang LGSF.
Sa kanyang pambungad na pananalita, ipinaabot ni Cluster Team Leader Melissa D. Nipal ang kahalagahan ng pagsumite ng mga kaukulang dokumento mula sa mga lokal na opisyal kaugnay sa implementasyon ng mga proyekto. “Ang pagsumite ng mga kaukulang dokumento ay hindi lamang isang obligasyon kundi pati na rin isang paraan upang mapatibay ang proseso at matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga proyekto para sa ikauunlad ng komunidad”, dagdag nito. Pinangunahan ni Engr. III Jelly Mae T. Ebalobo ang pagbabahagi ng Local Budget Circular (LBC) 155: Guidelines on the Release and Utilization of the Local Government Support Fund- Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU) under the FY 2024 General Appropriations Act, na naglalayong bigyan ng kaalaman ang mga kalahok kung paano humiling at gamitin ang pinansiyal na tulong ng gobyerno para sa proyekto ng mga lokal na pamahalaan. Binigyang diin rin ni Engr. Ebalobo ang kahalagahan at paggamit ng Digital Request Submission for LGSF (DRSL), ang online platform o sistema na ginagamit para sa pagsumite ng mga priority projects ng LGU na nais nilang mapondohan. Ibinahagi rin ni Engr. Ebalobo ang ulat ng katayuan ng mga proyekto sa Subaybayan Portal at RSSA Portal ganun din ang estado ng mga kasalukuyang iniimplementa na proyekto ng mga lokal na pamahalaan. Ang mga proyekto na ito ay nasa ilalim ng programang (1) 2023 Local Government Support Fund –Financial Assistance to Local Government Unit (LGSF-FALGU); (2) 2023 Local Government Support Fund –Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP); (3) Seal of Good Local Government Incentive Fund (SGLGIF). Samantala, nagbigay ng demonstrasyon si Engr. II Nicole Shane L. Pampanga sa pag-eenroll ng mga proyekto sa Subaybayan Results-Based Monitoring and Evaluation of LGU Infrastructure Projects (RLIP) alinsunod sa isang Unnumbered Memorandum noong ika-2 ng Abril 2024 — Enrolment of Projects for 2024 and updating of 2022 and 2023 RLIP in Subaybayan. Ganun din si PEO I Bryan P. Alejos, na nagpapakita kung paano mag-assess ng mga proyekto sa Rapid Sub-project Sustainability Assessment (RSSA) Portal. Bilang pagtatapos, nagbigay paalala naman si PEO II Carla G. Maranoc para sa mga ulat na regular na pinapasa ng pamahalaang lokal kaugnay sa implementasyon ng mga Locally Funded Projects. Ang pagsasagawa ng Pagsusuri at Kalibrasyon ng estado ng mga Locally Funded Projects at kaukulang ulat ay mahalagang proseso sa pangangasiwa ng mga proyekto upang masiguro ang integridad, katumpakan, at kahalagahan ng impormasyon na ipinakikita sa mga ulat. Ito ay naglalayong mapabuti ang transparency, efficiency, at effectiveness ng lokal sa implementasyon ng proyekto.