Ganap na nagtapos na ang pagtatasa ng Panlalawigang Tanggapan ng DILG Bulacan sa Seal of Good Local Governance (SGLG) sa dalawampu't apat (24) na Bayan at Lungsod ng Lalawigan noong ika-3 ng Hulyo 2023.
Ang pagtatasang ito ay isa sa mga aksyon na isinasagawa ng Departamento alinsunod sa Republic Act 11292 o The Seal of the Good and Local Governance Act na may layon na bigyang pagkilala ang kahusayan at katapatan ng mga Pamahalaang Lokal sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin para sa kaayusan at kaunlaran ng kanilang nasasakupan. Ang aktibidad na ito ay tumutok sa mga ipinresentang dokumento at katibayan ng mga Pamahalaang Pampook na magpapatunay sa kanilang pagganap sa mga pamantayan na sakop ng naturang pagtatasa.
Nakatakda namang isagawa ng Tanggapan ang Panlalawigang Kalibrasyon sa ika-04 ng Hulyo, 2023, upang isakatuparan ang kalidad na pagsusuri sa mga nakuhang datos at dokumento upang matukoy ang mga Lungsod at Bayan na pasado sa ginanap na pagtatasa ng SGLG.
Ang SGLG ay isang prestihiyosong parangal na ipinagkakaloob ng Departamento na naglalayong magbigay ng pagkilala sa mga Lokal na Pamahalaan na nagpakita ng kanilang angking husay sa pangangasiwa sa iba't-ibang aspeto ng maayos at mabuting pamamahala.