Tatlong lokal na pamahalaan ng lalawigan ang sumalang sa masusuing pagtatasa ng Provincial Awards Committee (PAC) sa magkasunod na araw simula ika-24 hanggang ika-25 ng Agosto bilang parte ng pagsasagawa ng 2023 Local Legislative Award ngayong taon upang busisiin ang mga dokumento ng kani-kanilang Sanggunian at suriin ang kanilang kagalingan pagdating sa paggampan ng kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.
Pinangunahan ni PD Myra B. Moral-Soriano ang PAC bilang pinuno nito kasama sina BM Cherry D. Manalo ng PCL at VM Emmanuel Alejandrino ng VMLP bilang vice-chairpersons. Kasama din sa nasabing komite ang mga kinatawan mula sa mga opisina ng PSWDO, Budget, Provincial Agriculturist at PG-ENRO.
Sumalang sa unang araw ang Bayan ng Mexico at Lungsod ng San Fernando, at ang Bayan ng Floridablanca sa ikalawang araw ng pagtatasa.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni PD Soriano ang mga Sanggunian ng mga nasabing lokal na pamahalaan sa kanilang pakikilahok sa prestihiyosong patimpalak dahil hindi biro ang pagsasaayos at paghahanda na kinakailangan para sa pagtatasa. Dagdag pa dito, ang kanilang pagsali ay nagsisilbing inspirasyon para sa iba pang Sanggunian na naghahangad din na makasali sa LLA sa mga susunod na taon.
"Ngayon pa lang ay binabati ko na ang bawa't isa dahil ang inyong paglahok sa LLA ay patunay na kasama kayo sa mga magagaling na Sanggunian at hangad namin na mabigyan din ng pagkilala ang inyong kagalingan sa rehiyon at sa buong bansa," sabmit ni PD Soriano.
Sa ilalim ng 2023 LLA, ang mga kalahok na Sanggunian ay sasailalim sa pagtatasa base sa anim na pamantayan: Responsiveness of the Legislative Agenda, Availability of Legislative Documents, Effectiveness of Performance of the Sanggunian, Efficiency of Performance of Sanggunian, Legislative Citations and Award at Capacity Development for Legislators and Staff.