Pinangunahan ng Pang-rehiyong Tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal sa Gitnang Luzon, ang isang seremonyas upang gawaran ng pagkilala ang mga Local Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) sa rehiyon na nagpamalas ng husay at galing sa pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa pagsugpo sa ilegal na droga. Ito ay ginanap ngayong araw, ika-16 ng Enero, 2023 sa Kingsborough International Convention Center, Lungsod ng San Fernando, Lalawigan ng Pampanga. Ito rin ay dinaluhan ni Abgdo. Margarita Gutierrez, Undersecretary ng Kagawaran, na siyang nanguna sa paggagawad ng mga parangal.
Siyam (9) sa mga Pamahalaang Lokal sa Lalawigan ng Bulacan ang nagkamit ng nasabing pagkilala, ito ay ang mga bayan ng Balagtas, Baliwag, Doña Remedios Trinidad, Guiguinto, Plaridel at San Miguel. Kabilang din sa mga pinarangalan ay ang mga Lungsod ng Meycauayan, San Jose Del Monte at Pamahalang Panlalawigan ng Bulacan.
Ang naging pamantayan sa iginawad na pagkilala ay ang pagkaroon ng mataas na antas ng paggana (High Functionality) na nasusukat sa hindi bababang grado na Walumpung Porsyento (80%) sa mga sumusunod na datos na naitaya noong huling isinagawang Anti-Drug Abuse Council Performance Audit: (1) bilang ng mga Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADAC) na may mataas na antas ng paggana (High Functionality); (2) kakayanang mapanatili ang estado ng kawalan ng kaso ng illegal na drogra sa lugar (dug-cleared or drug free status); at (3) pagbaba ng kaso ng illegal na droga sa lugar noong taong 2022.
Ang ganitong gawain ay hindi lamang upang kilalanin ang sipag at dedikasyon ng mga tagapagpatupad ng programa, kung hindi ay magsilbi ring motibasyon sa mas lalo pang pagsisikap na pagbutihin ang implementasyon ng mga programang nilalayon na iwaksi at tuluyan nang tuldukan ang suliranin sa ipinagbabawal na gamot.