Nagsagawa ng oryentasyon sa paghahanda ng barangay devolution transition plan ang DILG Olongapo at City Devolution Transition Committee sa FMA Hall, Olongapo City Hall noong Setyembre 21 – 24, 2021, upang matulungan ang mga barangay ng Olongapo sa kanilang pagpaplano para sa full devolution.
Ang oryentasyon ay hinati sa 4 na sesyon upang masigurado ang pagtalima sa mga minimum na pamantayan sa kalusugan at iba pang mga protokol sa kalusugan ng mga kalahok. Dinaluhan ito ng mga Barangay Devolution Transition Committee na binubuo ng Punong Barangay, Miyembro ng Sangguniang Barangay, Kalihim ng Barangay, Ingat-Yaman ng Barangay, at representante ng civil society organization na miyembro ng Barangay Development Council.
Sa nasabing aktibidad, naghanda ng mga kani-kanilang devolution transition plan ang mga barangay. Ipinaliwanag din ang epekto ng Mandanas-Garcia Ruling at full devolution sa mga lokal na yunit ng pamahalaan, gayundin sa mga ahensya ng Pambansang Pamahalaan. Nagkaroon din ng oryentasyon sa mga na-update na programa ng DILG sa pagsubaybay ng pamamahala ng barangay, gaya ng BDC Functionality Audit, BCPC Functionality Audit at SGLGB, kung saan ang mga bagong performance indicators ay maaaring magamit bilang input sa DTP.
Layunin ng full devolution na maibalik sa mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga tungkulin dahil sila ang mas nakakaalam ng pinakaangkop na serbisyo publiko sa kani-kanilang mga nasasakupan.