Sa pangunguna ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, binisita ng joint teams mula sa DILG at DSWD ang pamamahagi ng ayuda sa mga low-income na indibidwal at pamilya sa mga bayan ng Dinalupihan, Abucay at Morong noong Agosto 24, 2021.
Ito ay kaugnay ng inisyung Joint Memorandum Circular No. 4 na nagsasaad ng pagbibigay ng suporta sa lalawigan ng Bataan sa pagkakasailalim nito sa Enhanced Community Quarantine.
Binisita ng nasabing team ang proseso ng distribusyon sa mga barangay ng Colo (Dinalupihan), Gabon (Abucay) at Nagbalayong (Morong). Organisado ang proseso ng distribusyon at maayos din na nasunod ang mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing.
Samantala, pinuri ni Usec. Malaya ang naging estratehiya ng probinsya sa pangunguna ni Gob. Abet Garcia sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasasakupan sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa Kusina sa Barangay, pagbibigay ng kalahating kaban ng bigas, at ilan pang mga pagkain na galing naman sa mga pamahalaang lungsod at bayan.
Bukod sa ikalawang kalihim, naging parte rin ng pagbisita sina Sec. Rhea Penaflor, DSWD Assistance Secretary for Specialized Programs, Dir. Jay Timbreza, OIC-Punong Tagapagpatupad ng DILG Region III, Dir. Myra Moral-Soriano, Panlalawigang Patnugot ng DILG Bataan, DILG Field Officers na sina LGOO VI Cristy Blanco, LGOO VI Maribel Patawaran at LGOO VI Bernardino Santiago, at PCOL Joel Tampis ng PNP Bataan.
Malugod namang sinamahan ng mga lokal na opisyal ng Dinalupihan, Abucay at Morong ang mga panauhin mula sa nasyonal na pamahalaan sa pangunguna ng kanilang mga Punong Bayan at kanilang mga kinatawan.
Ikinatuwa rin ni Usec. Malaya ang pahayag ni Gob. Garcia na sa kasalukuyan, ang lalawigan ay nakapagbakuna na ng mahigit sa 50% ng populasyon at malapit nang makamit ang herd immunity. Dahil dito, binisita rin ni Usec Malaya ang ilang vaccination sites upang personal na masaksihan ang vaccine roll-out na isa sa mahahalagang kampanya ng pamahalaan upang mapanatiling ligtas ang mamamayan laban sa COVID-19.