Pinulong ni Governor Hermogenes E. Ebdane, Jr. ang mga punong bayan ng mga munisipalidad ng Zambales kabilang na din ang kani-kanilang mga Municipal Health Officers (MHOs) upang pag-usapan at balangkasin ang mga stratehiya ng buong lalawigan upang labanan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa probinsya noong ika-27 ng Agosto, 2021. Ito ay sa kabila na din ng pagtatala ng unang kaso ng Delta variant sa lalawigan, katulad ng naianunsyo ng Gobernador kagabi, sa pamamagitan ng Zambales for the People Facebook Page.
Ang nasabing pagpupulong ay naglalayong matalakay ang mga susunod na hakbangin sa pagpigil ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa probinsiya lalo na sa mga munisipyong nakapagtala ng pinakamatataas na bilang ng kaso sa mga nagdaang araw.
Sa pangunguna nina Direktor Armi V. Bactad, Panlalawigang Patnugot ng DILG Zambales, PCOL Romano V. Cardiño, Panlalawigang Patnugot ng Zambales Police Provincial Office at sa tulong ni Dr. Noel C. Bueno, Provincial Health Officer (PHO), ang pagpupulong ay matagumpay na naidaos at nagsilbing daan upang talakayin ang mga kasalukuyang isyu ng bawat bayan ng Zambales patungkol sa paglaganap ng COVID-19.
Sa pamamagitan ng pagpupulong, tinalakay ang mga stratehiyang maaaring ipatupad ng mga punong bayan sa kani-kaniyang nasasakupan katulad ng pagpapatupad ng mga granular lockdown o zoning containment strategies, pagpapaigting ng pagko-contact tracing, malawakang pagsasagawa ng antigen testing, lalo na sa mga manggagawang nagtatrabaho sa karatig-lugar katulad ng Olongapo at SBMA, mas mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoints o border controls at pagpapabilis ng pagbabakuna.
Inilahad din ng mga punong bayan ang kanilang panawagan upang mas mapaigting ang pagpapatupad ng mga polisiya na may kinalaman sa paglilimita sa pagsasagawa ng mga mass gatherings.
Samantala, ipinahayag ni Direktor Bactad at PCOL Cardiño ang suporta ng DILG at PNP sa patuloy na pagtutok at pag-antabay sa mga lokal na pamahalaan ukol sa pagpapatupad ng mga polisiya at pagsasagawa ng mga zoning containment strategies. Gayundin, binigyang-diin ang paghikayat sa kooperasyon ng bawat isa para sa maayos na pagsasakatuparan ng mga istratehiyang nailahad.