Upang matulungan ang mga LGUs ng Pampanga na masimulan ang ang pagbalangkas ng kani-kanilang Devolution Transition Plans (DTPs), nagsagawa noong Agosto 27, 2021 ang DILG Pampanga ng isang malakihang oryentasyon na nilahukan ng higit dalawang daang miyembro ng LGU Devolution Transition Committee (DTC) at Technical Working Group (TWG) ng probinsya.
Pinangunahan ng mga DILG Pampanga Provincial DTP-CapDev Coaching Team ang nasabing online activity na layuning magbahagi ng mas malalim na kaalaman at impormasyon tungkol sa pagbuo ng nasabing plano na siyang magiging gabay ng mga LGUs upang magampanan ang mas malaking tungkulin kaakibat ng pagtaas ng National Tax Allotment (NaTA) at pagpapatupad ng mga devolved functions and services mula sa iba't-ibang ahensya ng pamahalaan simula 2022.
Inimbitahan din upang magbahagi ng kanilang kaalaman sa mga paksa ukol sa Supreme Court Ruling on the Mandanas-Garcia case, Executive Order 138 at Local Revenue Forecast and Resource Mobilization ang mga kinatawan mula sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance-Bureau of Local Government Finance (DOF-BLGF).
Ayon kay PD Myrvi Apostol-Fabia, patuloy na aantabay at susuporta ang departamento sa mga LGUs kasama na ang pagbibigay ng technical assistance upang maging matagumpay ang pag-transition ng mga lokal na pamahalaan tungo sa full devolution. Gayundin, pinaalalahan ni PD Fabia ang mga LGUs na siguruhin ang maayos na pag-prioritize ng mga PPAs na nakaayon sa sitwasyon at pangangailangan ng lokalidad.
Matapos ang aktibidad, inaasahang magtutuloy-tuloy na ang pagbabalangkas ng mga Devolution Transition Plans sa mga kani-kaniyang lokal na pamahalaan. Magkakaroon din ng serye ng coaching sessions sa mga susunod na linggo kasama ang mga LGU DTC-TWG at DILG Provincial DTP-CapDev Coaching Team para sa pagsasaayos ng mga DTPs.