Sa layunin na mapangalagaan at maproteksiyonan ang bulubundukin ng Sierra Madre, isinagawa ngayong araw, ika-13 ng Setyembre, 2023 ang isang tree planting activity sa Sitio Daramugan, Barangay Kalawakan, Bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT).
Ang aktibidad na ito ay isang inisyatibo ng One Movement Inc. kung saan daan-daang katao ang dumalo at nagpakita ng suporta upang magtanim ng mga puno ng kawayan sa naturang bayan. Ito ay nilahukan ng mga miyembro ng One Movement Inc. sa pangunguna ni Tagapangulo Marlon Mendoza, mga punong barangay at iba pang mga opisyal mula sa mga barangay ng DRT, at mga kawani ng Panlalawigang Tanggapan ng Kagawaran at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ang bulubundukin ng Sierra Madre ay isang maituturing na yaman ng ating bansa na may malaking kontribusyon sa pangangalaga ng biodibersidad at ekosistema ng ating bansa. Ang pangangalaga at pagtutok sa preserbasyon nito ay mahalaga kalakip ng malaking kontribusyon nito sa kalikasan, ekonomiya at kultura ng ating bansa.