Sa patuloy na pagsisikap ng pambansang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, partikular na sa aspektong pangkalusugan, sa pangunguna ni First Lady, Abgdo. Maria Louise “Liza” Araneta Marcos ay matagumpay na isinagawa ngayong araw, ika-19 ng Setyembre, 2023, ang Lab For All: Laboratoryo, Konsulta at Gamot para sa lahat, sa bayan ng San Rafael. Ang aktibidad na ito ay dinaluhan nina Pangalawang Punong Lalawigan Alex C. Castro, Pangalawang Punong Lalawigan ng Pampanga Lilia G. Pineda, Punong Lungsod ng San Rafael Mark Cholo Violago, Kalihim ng Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (TESDA) Suharto Mangudadatu, Tagapangulo ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED) Prospero E. De Vera III, Congresswoman Lorna Silverio, kasama ang iba pang mga opisyal at lingkod bayan ng lalawigan.
Kabilang rin sa mga ahensya na lumahok at nagpakita ng suporta sa naturang aktibidad ay ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG), sa pangunguna ni Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Abgdo. Benhur Abalos, Jr., kasama sina Pangalawang Kalihim, Abgdo. Margarita Gutierrez at Abgdo. Odilon Pasaraba kung saan ay namigay ng libreng dental hygiene kits at vitamins ang Departamento para sa mga mag-aaral ng Mababang Paaralan ng Sampaloc. Kabilang rin sa mga serbisyo na naibigay sa naturang aktibidad ay mga libreng konsultasyon sa mata at salamin, tulong pinansyal at pagkain, pati na rin libreng gamot at mga laboratory tests katulad ng libreng electrocardiography (ecg) at x-ray. Sa kabuuan ay nasa humigit kumulang 1,500 na bulakenyo ang nagsilbing benepisyaryo at nakatanggap ng mga libreng serbisyo.
Ang “Lab for All” ay isang programa at inisyatibo ng pamahalaan sa pangunguna ni First Lady Liza Marcos na naglalayong mailapit at maibigay ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan na higit na makakatulong upang maibsan ang pasanin sa gastusing pangkalusugan ng mga mamamayang Pilipino. Ito ay isa ring makabuluhang hakbangin tungo sa mas maayos at pantay-pantay na benepisyong pangkalusugan sa ating bansa.