Taun-taon, isinasagawa sa mga pamahalaang lokal ng lalawigan ang pagtatasa para sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards o kilala bilang LTIA. Bilang paghahanda para sa nalalapit na pagtatasa ng nasabing programa, nagsagawa ngayong araw, ika-12 ng Pebrero, 2024, ang mga kawani ng Panlalawigang Tanggapan ng Kagawaran ng isang oryentasyon para sa mga Pook na Tagapagpakilos (C/MLGOOs) mula sa mga lungsod at bayan ng lalawigan.
Sa naturang aktibidad ay nagbigay ng komprehensibong diskusyon ang mga kawani ng Kagawaran ukol sa LTIA Information System at ang talatakdaan ng magiging proseso ng pagtatasa para sa kasalukuyang taon. Kasabay nito ay binigyan rin ng kasagutan ang mga pangkaraniwang katanungan ng mga barangay na naipapadala sa mga Pook na Tagapagpakilos ukol dito.
Ang LTIA ay itinatag alinsunod sa Seksyon 406 ng Local Government Code ng 1991 kung saan ay inatasan ang Departamento na magbigay ng pang-ekonomiya at iba pang mga insentibo sa mga Lupon bilang pagkilala para sa kanilang mahusay na pagganap upang makamit ang mga layunin ng Katarungang Pambarangay (KP).
Ang aktibidad na ito ay isinagawa sa ilalim ng “LAKAS”, isa mga mga pasilidad ng ALAGWA Bulacan, ang opisyal na Sub-LGRRC ng DILG Bulacan.