LUNGSOD NG MALOLOS | Sa pagsisimula ng buwan ng Pebrero, ang Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ay sama-samang nagpulong ngayong ika-1 ng Pebrero para sa unang sangkapat ng taon sa Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Sentro sa talakayan ang paparating na mga hamon upang mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan ngayong bagong taon. Maliban sa pagbibigay ng mga naging katagumpayan noong 2023, ipinakita ng PNP Bulacan, PDEA Bulacan, 70th Infantry Battalion ng AFP, at DILG Bulacan ang mga kinakailangang hakbangin upang ipagpatuloy ang mga programang pangkapayaan at kaayusan.
Sa hamon na madagdagan ang mga drug cleared barangay ng lalawigan, idinetalye ang sama-samang pagtutulungan ng PDEA, DILG, ibang mga Law Enforcement Agencies, partikular ng mga lokal na pamahalaan, upang mas marepaso ang prosesong pagdaraanan ng mga barangay sa Drug Clearing Program. Inihayag rin ang mga rekomendasyong pagsasabatas ng mga lokal na ordinansang tutugon sa kaayusan ng batas trapiko sa lalawigan. Binigyang pansin naman ng DILG ang paghahanda sa mga LGUs sa mga paparating na pagtatasang susukat sa kanilang kakayahang magbigay ng ligtas at payapang komunidad.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Gov. Daniel Fernando ang patuloy na suportang ibinibigay ng bawat kasapi ng konseho sa mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan. Kaniyang binigyang diin ang kinakailangang pagkakaisa ng nasyunal at lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kabila ng mga kaunlarang planong isasakatuparan sa Lalawigan ng Bulacan. Sa huli ay kaniyang tinanggap ang mga pagkilala ng DILG sa mahusay na pagganap ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC), Provincial Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (PCAT-VAWC) at ang pagkamit ng Seal of Good Local Governance (SGLG) nang nagdaang taon.