TINGNAN | Sa patuloy na hangarin ng DILG Bulacan sa pagbibigay ng suporta at gabay sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan, isinagawa ngayong araw, ika-08 ng Agosto, 2023 ang Panlalawigang Oryentasyon sa Barangay Environmental Compliance Audit (BECA) 2023. Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ni Panlalawigang Patnugot Myrvi Apostol-Fabia, CESO V, at dinaluhan ng mga Punong Barangay at iba pang mga Opisyal sa Barangay mula sa apat (4) na lungsod at dalawampung (20) bayan. Sa kabila ng malaking gampanin ng mga lingkod bayan, ang oryentasyong ito ay nagsilbing kasangkapan upang magabayan at mabigyan sila ng malalim na pananaw at kaalaman patungkol sa kanilang dedikasyon sa pagtalima sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili sa kalinisan ng bawat barangay.
Ang Barangay Environmental Compliance Audit (BECA) ay inisyatibo ng Kagawaran upang mas mapaigting pa ang pagpapatupad ng mga lokal na pamahalaan patungkol sa mga batas ukol sa pangangalaga ng kalikasan kabilang ang Local Government Code of 1991 (R.A. No. 7160), Ecological Solid Waste Management Act of 2000 (R.A. No. 9003) at Supreme Court Mandamus Order (G.R. 171947-48).