
Hindi na kailangan pang mangamba ng mga residente ng Barangay Santolan sa paggamit ng kalsada tuwing gabi dahil sa hatid liwanag ng 23 yunit ng bagong solar streetlights sa kahabaan ng Narra St., Barangay Santolan, Lungsod ng Palayan, Nueva Ecija.
Naisakatuparan ang proyektong ito sa pamamagitan ng Php 2,000,000.00 na insentibong nakamit ng lungsod mula sa pagpasa sa Seal of Good Local Governance ng taong 2024.
Ang proyekto ay ganap na pinasinayaan ng Lungsod ng Palayan ngayong araw, ika-7 ng Agosto 2025, sa pangunguna ni Punong Lungsod Hon. Viandrei Nicole J. Cuevas at Pangalawang Punong Lungsod Hon. Romaric S. Capinpin. Ito rin ay dinaluhan ng Panrehiyong Patnugot, Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Gitnang Luzon, Dir. Araceli A. San Jose, CESO III, at ng Panlalawigang Patnugot ng DILG Nueva Ecija, Atty. Ofelio A. Tactac, Jr., CESO V.
Ang nakamit na proyektong mula sa SGLGIF ay hindi lamang sumisimbulo sa magandang pamamahala ng Lokal na Yunit ng Pamahalaan, kundi pati na rin sa patuloy na pagsulong sa pag-unlad ng Lungsod ng Palayan.
Ang mga bagong solar street lights ay magbibigay ng liwanag sa paghakbang ng mga magsasaka at estudyanteng ginagabi, at maghahatid ng mas ligtas na daanan para sa mga nakikiraang motorista. Ito ay hindi lamang magsisilbing tanglaw ng mga residente tuwing gabi kundi magsisilbing gabay patungo sa magandang kinabukasan ng mga taga-Santolan.
#TresTheBest
#Uhay
#SGLGIF2024