Matagumpay na idinaos noong Hunyo 27, 2023 ang Ika-6 na Pagpupulong ng Panlalawigang Tanggapan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal o mas kilala bilang Provincial Team Conference (PTC) sa Barangay Matictic, Bayan ng Norzagaray. Sa nasabing gawain ay naitampok ang estado ng ulat ng mga naisagawang aktibidad, programa at proyekto ng mga iba't ibang seksyon ng Kagawaran ngayong buwan ng Hunyo. Dagdag pa ay naging daan din ito upang mabigyan ng pagkakataon na talakayin at bigyang kasagutan ang mga katanungan ng mga Pampook na Tagapagkilos ng Lalawigan.
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ni Punong Bayan Maria Elena L. Germar at pinangunahan naman ni Panlalawigang Patnugot Myrvi Apostol-Fabia. Sa kanyang mensahe ay ipinahayag niya ang kanyang pagkilala sa kamakailang mga tagumpay na nakamit ng Tanggapan dahil sa sipag at husay na ipinamalas ng mga Kawani nito, kasabay rin ay kanyang hinikayat ang bawat isa na mas paigtingin pa ang pagganap ng kanilang mga tungkulin bilang susi sa tagumpay ng bawat lungsod at bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Kasabay rin na naisakatuparan sa aktibidad na ito ang pagbibigay ng teknikal na gabay patungkol sa pagpapaigting ng Sub-LGRRC ng Lalawigan pati na rin ang patungkol sa Knowledge Management (KM) Audit. Sa huli ay nagkaroon rin ng pagkakataon ang Pamahalaang Lokal ng Norzagaray na ibida ang mga kilalang atraksyon ng kanilang Bayan katulad ng Bakas River, Rhino and Lioness Rock Formation at Bitbit Bridge na maaaring dayuhin dahil sa handog na angking ganda at likas na yaman ng mga tanawing ito.